LMP, pabor na gawing mandatoryo ang drug test sa mga kakandidatong politiko

LMP, pabor na gawing mandatoryo ang drug test sa mga kakandidatong politiko

PABOR si League of Municipalities of the Philippines (LMP) Vice President for External Affairs Marcos Mamay sa hamon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sumailalim sa voluntary drug test ang mga kandidato ngayong Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sa panayam ng SMNI kay Mamay, sinabi nitong hindi lang dapat boluntaryo kundi gawing mandatoryo ito sa mga politiko na tatakbo sa isang posisyon sa gobyerno.

Aniya, dito masusukat kung gaano ka sinsero ang isang politiko sa pagsiserbisyo sa bayan na walang korapsiyon lalo na sa isyu ng ilegal na droga.

Kasabay rito ang kaniyang paghimok sa mga botante na piliin ang tama at karapat-dapat na opisyal na magiging ehemplo ng maayos na pamamalakad sa isang lugar o barangay.

Sa isang press conference araw ng Lunes, Setyembre 18, 2023, nagbitiw ng matapang na pahayag si Interior Secretary Benhur Abalos para hamunin ang mga kakandidato sa BSKE na pangunahan ang magpa-drug test.

Follow SMNI NEWS on Twitter