IPINAGDIRIWANG ang World Patient Safety Day tuwing Setyembre 17 kada taon bilang pagkilala sa mga pasyente, pamilya, at caregiver na may kabahagihanan sa pangangalaga ng kalusugan.
Ito na ang panglimang taong pagdiriwang ng World Patient Safety Day 2023 na may temang “Engaging Patients for Patient Safety”
Ang nasabing kampanya ay may layuning magbigay ng kamalayan sa mundo para mapabuti ang kaligtasan at mabawasan ang hindi inaasahang panganib na maidudulot sa pasyente.
Ayon kay Dr. Tom-Louie J. Acosta, chairman ng Patient Safety Committee, ISMC, nabuo ang nasabing adbokasiya matapos mapag-aralan sa isinagawang 72nd World Health Assembly noong 2019 na isa sa 10 pasyente ang nagkakaroon ng ‘unnecessary harm’ matapos lapatan ng serbisyong medikal.
Ito umano’y base sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO).
“Pero noong may 2019 during the 72nd World Health Assembly ng WHO kung saan nabibilangan din ang Pilipinas nakita kasi nila na medyo hindi maganda ang datos ng…Sa kada 10 pasyente sa pag-aaral ng World Health Organization, may isang pasyente na kapag nilalapatan ng serbisyong medical ay nagkakaroon ng unnecessary harm,” ayon kay Dr. Tom-Louie J. Acosta, Chairman, Patient Safety Committee, ISMC.
Kada taon aniya partikular na ngayong taon 2023 umabot na sa tatlong milyon katao ang nasawi habang nilalapatan ng serbisyong medikal.
Pahayag ni Dr. Acosta, napakaraming bagay na maaaring maidulot na panganib sa pasyente kabilang dito ang misdiagnosis, mislabeling ng pasyente, hindi tamang paggamit ng gamot, at hindi tamang pag-administer ng anti-biotic.
Isa sa dahilan ng misdiagnosis sa pasyente ayon kay Dr. Maria Aloza Hadloc, Vice Chair, Patient Safety Committee ay ang miscommunication sa pagitan ng doktor at pasyente.
“The study show that in the first 14th seconds of the interaction between the doctor and the patient, the doctor may interrupt the patient because maybe the patient is hindi siya ganun kagaling magbigay ng history or masyadong mabagal and the doctor in other hand, maaaring ang doktor ay maaaring masyadong pagod or kunti lang ‘yung time niya to assess that patient.”
“So, kung hindi maayos ‘yung history-taking maaaring hindi namin ma-request ‘yung diagnostic test na karapat-dapat o maaari ring misdiagnosis ang mangyayari sa pasyente,” ayon kay Dr. Maria Aloza Hadloc, Vice Chair, Patient Safety Committee.
Dagdag din aniya, dahilan ng panganib sa pasyente ang risk of infection dulot ng hindi paghuhugas ng kamay ng doktor o nurse o maging ng pasyente.
Isa rin sa nagdudulot ng panganib ang ‘best guess’ ng mga pharmacist sa isinulat ng mga doktor sa kanilang mga orders.
Giit pa ni Dr. Acosta na bagama’t mayroong protocols at guidelines sa mga ospital para matugunan ang mga nasabing problema ay hindi ito sapat dahil sa hindi ito mahigpit na naipatutupad.