Lokal na pelikula at musical production, exempted sa amusement tax sa Bill ni Robin

Lokal na pelikula at musical production, exempted sa amusement tax sa Bill ni Robin

PARA tulungan ang industriya ng pelikula at musika na bumangon sa epekto ng pandemya, ihinain ni Senator Robinhood “Robin” C. Padilla ang panukalang batas para i-exempt sa amusement tax ang local productions na pagmamay-ari ng Pilipino, at bigyan ng tax holiday ang dalawang industriyang ito.

Sa Senate Bill 2048 (The Film and Live Events Recovery Act), ipinunto ni Padilla, isang beterano ng industriyang pelikula na ang umiiral na batas sa amusement tax ay humahadlang sa paglago ng industriyang aliwan, at nagpapataas ng presyo ng amusement services.

“Hence, it is imperative to give our film and music industries the necessary boost to thrive and recover from the pandemic and new challenges that cost them major losses while ensuring that the gains redound to local productions, thereby benefiting our people and economy,” ani Padilla sa kaniyang panukalang batas.

Ayon sa panukalang batas, exempted sa amusement tax ang locally produced na creative materials kung saan Pilipino ang may copyright, at ang local productions na hindi bababa sa 10 porsiyento na pagmamay-ari ng Pilipino.

May tax holiday din na aabot ng dalawang taon ang film at music industries.

Bababa naman ang amusement tax collection sa ilalim ng Local Government Code sa 5 porsiyento mula sa umiiral na 10 porsyento.

Sa kaniyang panukalang batas, ikinalungkot ni Padilla na ang kasalukuyang pagbubuwis sa mga gumagawa ng pelikula ay nakakasakal sa “labor productivity, cultural exhibition and local development.”

Ipinunto din niya na wala sa mga lokal na sine na ipinalabas noong 2022 ay umabot sa P10 milyon sa gross sales.

Dagdag niya na dahil sa kasalukuyang buwis, kailangang kumita ang mga sine ng 270% ng production costs para lang mag-break-even.

Exempted sa amusement taxes sa ilalim ng panukalang batas ang locally produced na film productions, musical plays, operas, concerts, dramas, recitals, painting at art exhibitions, flower shows, musical programs, at literary and oratorical presentations – kung saan ang copyright ay sa pagmamay-ari ng Pilipino; at hindi bababa sa 10% equity ng local productions ay sa pagmamay-ari ng Pilipino, na sertipikado ng Department of Trade and Industry o ng Securities and Exchange Commission.

Ang amusement tax na kokolektahin ay mapupunta sa mga proyekto sa mga sektor na kinabibilangan ng locally produced work.

Ang matitira ay hahatiin ng probinsya at munisipalidad kung saan matatagpo ang mga amusement places.

Sa loob ng 2 taon matapos maging epektibo ang batas, sususpindihin ang kapangyarihan ng lokal na pamahalaan para pumataw ng amusement tax.

Maaari itong ma-extend ng 2 taon, kung papayagan ng Department of Finance.

Follow SMNI NEWS in Twitter