WALANG magiging galaw sa pamasahe, ito ang inihayag ng Light Rail Transit-line 2 sa kanilang mga pasahero.
Ayon kay Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Hernando Cabrera, hindi totoo ang umuugong na mayroong umano’y rekomendasyon na taasan ng ₱5 ang boarding fee habang ₱0.50 ang ipapataw na dagdag sa mga susunod na kilometro.
“Wala pang fare increase sa ngayon. Wala bukas, wala next week, wala next month. So, gusto ko lang linawin sa mga pasahero na hindi pa kaagad ito, or hindi pa. Why? Kasi dadaan pa ito ng mahabang process. Mahaba pa ang proseso nito,” ayon kay Atty. Hernando Cabrera, Administrator, LRTA.
Paliwanang ni Cabrera, kinakailangan balansehin ito at masusing pag-aralan ang taas-singil sa pasahe.
Aniya, sa halip na makabuti ay makasama pa ito gaya na lamang ng posibleng di na pagtangkilik ng riding public sa LRT.
Dagdag pa niya, hindi basta-basta inaaprubahan ang umento sa pamasahe.
Aniya, dapat pa itong dumaan muna sa mahabang proseso, tulad ng pagkakaroon ng isang public hearing kasama ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Matatandaang, taong 2015 pa nang huling magtaas ng pamasahe ang LRT-2.
At nagpapatuloy pa rin ang subsidiya rito ng pamahalaan upang mapanatiling abot-kaya pa rin ang pamasahe.