INANUNSYO ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magkakaroon ng pagdinig sa Hulyo 19 kaugnay sa isang bus na umararo ng ilang pasahero sa isang terminal sa Dumaguete City.
Matatandaang umani ng iba’t ibang reaksyon sa social media ang nakuhanan ng video kung saan isang bus ang nakabunggo ng ilang pasahero sa isang terminal sa Dumaguete City, Negros Oriental.
Nangyari ang nasabing insidente nitong Hulyo 5 na kinasangkutan ng isang Public Utility Bus na pagmamay-ari ng Vallacar Transit Incorporated.
Samu’t saring sugat ang natamo ng mga pasahero na nag-aabang sa terminal kung saan ang kanilang paghihintay ay nauwi sa insidente.
Sa inilabas na press statement ng LTFRB nitong Hulyo 6, binigyang-diin ng pamunuan na hindi dapat ito isawalang bahala lalo’t ilang pasahero ang nasugatan.
Kaya’t agad naglabas ang ahensiya ng show cause order laban sa operator ng bus at pinagpapaliwanag ni LTFRB Chief Atty. Cheloy Garafil ang may-ari ng bus kung bakit hindi kailangan suspendihin o kanselahin ang prangkisa nito.
“Hence, the LTFRB has issued a Show Cause Order against the respondent bus company why its CPC should not be cancelled or suspended in view of the said incident,” pahayag ng ahensiya.
Nakatakda naman magsagawa ng pagdinig ang ahensiya ukol sa nangyaring insidente na gaganapin sa Hulyo 19 ng alas-9 ng umaga.
“The LTFRB shall hear the case en banc on 19 July 2022 at 9:00 in the morning,” saad ng LTFRB.
Pinaalala naman ni Garafil na responsibilidad ng bawat drayber na siguruhin ang kaligtasan ng bawat pasahero.
“The operation of public transportation is imbued with public interest and is a mere privilege bestowed by the government to the grantees. Operators are to provide the highest form of safety and convenience to the passengers. Road safety should at all times be observed,” ayon kay Garafil.
Napag-alaman na nawalan umano ng preno ang Ceres bus driver kung kaya’t dumiretso ito at nakabunggo ng mga pasahero sa terminal kung saan aabot sa 13 pasahero ang nasugatan.