ISINASAALANG-ALANG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isa pang pagkakataon para sa mga unconsolidated public utility jeepney (PUJ) operators na sumali sa jeepney modernization program.
Nabanggit ito ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III sa press briefing sa Malacañang.
Ngunit sinabi ni Guadiz na ang pagkakataong sumali sa mga kooperatiba at korporasyon ay hindi magpapahintulot sa mga driver at operator ng PUJ na lumikha ng kanilang sariling grupo.
Inihayag naman ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Jesus Ferdinand Ortega na nasa 83 percent na ang consolidated.
Ang natitirang 17 percent ay binubuo ng unconsolidated and unregistered PUJ operators.
Sa 17 porsiyento, limang porsiyento lamang ang unconsolidated PUJ operators.
Samantala, nirarasyonal na ng gobyerno ang mga ruta ng public utility vehicles (PUVs) sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Binanggit ni DOTr Secretary Jaime Bautista na kapag natapos na ang route rationalization o ang paglikha ng Local Public Transport Route Plan (LPTRP), ay tutukuyin ang kumikita at sustainable na mga ruta para sa PUVs.
Ang yugto ng rationalization ng ruta ay isang pagtutulungan ng DOTr, LTFRB, at lahat ng local government units.