LTFRB, tiniyak na magiging maayos ang biyahe ngayong Semana Santa

LTFRB, tiniyak na magiging maayos ang biyahe ngayong Semana Santa

KUMPIYANSA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na magiging matiwasay ang biyahe ng publiko sa ilalim ng “Oplan Biyahe Ayos: Semana Santa at Summer Season Vacation 2023.”

Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, noong nakaraang linggo pa lamang ay ipinakalat na ng mga regional director ng LTFRB sa lahat ng regional office ang kanilang mga enforcer.

Ito ay upang matiyak ang maayos at mahusay na daloy ng pasahero sa mga pampublikong terminal sa bansa.

Iginiit ni Chairman Guadiz na magsasagawa ng inspeksiyon ang LTFRB sa mga tsuper at konduktor upang tiyaking mananatiling alerto at maayos ang kanilang pag-iisip at katawan sa oras ng pamamasada.

Maging ang mga public utility bus ay sasailalim din sa inspeksiyon.

Kaugnay rito, mahigpit pa ring ipatutupad ang public health safety protocol sa loob ng pampublikong sasakyan.

Matatandaang, naglabas ang LTFRB ng special permits para sa higit 700 units upang matiyak na mayroong sapat na public utility buses na magsisilbi sa publiko ngayong Semana Santa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter