PINAGHAHANAP na ngayon ng Land Transportation Office (LTO) ang mga kasamahan at nag-organisa ng motorcycle exhibition sa Marilaque Highway sa Tanay, Rizal.
Viral sa social media ang insidenteng naganap sa tinatawag na devil’s corner sa Marilaque Highway sa Tanay, Rizal Linggo ng Enero 26.
Sa nakuhang video online—rinig na rinig ang sigawan ng mga nanonood habang ginagawang racetrack ng dalawang motorcycle rider ang pakurbadang kalsada habang nakataas pa ang mga paa nila.
Sa bilis ng kanilang pagpapatakbo ay gumewang-gewang ang dalawang rider hanggang sumalpok sila sa concrete barrier.
Maririnig pa ang lakas ng pagka-salpok kung saan may ilang nadamay na indibidwal habang nanonood lamang sa kanila.
Patay ang isa sa mga motorcycle vlogger na si John Louie Arguellas na kilala rin daw bilang ‘Superman of Marilaque’ dahil sa mga exhibition o tricks nito habang nagmamaneho.
Ang isyung ito ay ipinaabot sa LTO dahil sa mga reklamo ring natanggap dahil sa talamak na insidenteng kinasangkutan ng mga motorcycle rider na gumagawa ng exhibition.
Sabi ng ahensiya, pinaghahanap na nila ang mga kasamahan ng nasawing motovlogger na kasamang nakipagkarera.
Tinutugis din sabi ni LTO Chief Vigor Mendoza II ang mga organizer na siyang nagpo-promote ng mga ganitong uri ng aktibidad.
“As early as yesterday talagang tinutugis natin ‘yung mga nag-organize hindi lang ‘yung mga nasugatan sa aksidente ‘yung nag-organize ng event na ‘yun. As the very list they have to go back to training bakit ka mago-organize ng ganitong klaseng alam niyo naman na bawal, ‘di ba. Ano ang tingin niyo hindi kayo mahuhuli? Tapos nilagay niyo pa sa Facebook, the more we will run after you wherever you are,” wika ni Asec. Vigor Mendoza II, Chief, Land Transportation Office.
Sakaling mapatunayan na may criminal liability ang mga nag-organisa sa delikadong aktibidad na ito ay mismong ang LTO na raw ang magsasampa ng kaso laban sa kanila.
Sa ngayon—isang kasamahan na raw ng motovlogger ang kasalukuyang tini-trace ng ahensiya.
“Kasi, kung action mo is cause the death of someone, it can from reckless imprudence resulting to death. It can boil down to the elements kung ano ang ginawa niya talaga. Yes, it can result to reckless imprudence resulting to homicide,” ani Mendoza.
Nakipag-ugnayan din ang ahensiya sa mga law enforcement agency para sa usapin ng road safety at pati na rin sa mga lokal na pamahalaan para maiwasan pa ang mga naturang insidente.
Pinakikilos din ng LTO chief ang lahat ng district offices nito sa iba’t ibang bahagi ng bansa—dapat aniya kasi sila ang unang nakakaalam sa mga insidente lalo na sa kanilang mga lugar.
Ang nangyayari aniya kasi—sa social media pa nila nalalaman ang mga ganitong uri na mga aktibidad.
Gayunpaman, may paalala naman ang ahensiya sa mga motorista.
“Huwag nilang uulitin, we are the HPG and LTO ay magsasanib puwersa po ‘yan para matigil na ito once and for all itong mga exhibitionist na ito. You are a bad model to the general public.”
“Driving is not a problem, gathering as a group is no problem ‘yan. Pero, hindi na group to kasi ‘di ba ‘yung Superman effect ano ka? Superman hindi na puwede ‘yan, we will not tolerate exhibition or car racing or motor racing in public roads,” giit ni Mendoza.
Follow SMNI News on Rumble