IPINAG-utos ni Land Transportation Office (LTO) chief Asec. Jay Art Tugade ang pagpapalawig ng bisa ng driver’s license na mapapaso o mai-expired simula Abril 24.
Ito ay matapos lagdaan ni Tugade ang Memorandum Circular na nagpapalawig ng validity ng lisensiya hanggang sa Oktubre 31 o sa sandaling matapos na ang procurement ng pagbili ng license cards na pinangangasiwaan ng Department of Transportation (DOTr).
Maliban dito, maituturing na waived o hindi na sisingilin ang multa sa late renewal.
Ang hakbang ng LTO ay sa gitna na rin ng nararanasang kakulangan ng suplay ng license cards sa lahat ng tanggapan ng ahensiya sa bansa.
Kasabay nito, sinabi ni LTO Chief Tugade na umaasa ang ahensiya na agad nang matatapos ng DOTr ang proseso ng procurement upang mapasimulan ang pag-iimprenta at maibigay na sa mga drayber na naghihintay na makahawak ng plastic card na driver’s license.
Inaabisuhan naman ang lahat ng law enforcers ng LTO at deputized agents nito na kilalanin ang validity o bisa ng driver’s license na napaso simula sa Abril 24, 2023.