LTO, PNP nagsanib puwersa laban sa mga online scammer

LTO, PNP nagsanib puwersa laban sa mga online scammer

INIHAYAG ng Land Transportation Office (LTO) na kanila pang paiigtingin ang ugnayan sa Philippine National Police (PNP) para habulin ang mga online scammer na niloloko ang publiko partikular na ang mga kumukuha ng lisensiya.

Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II kasunod na rin sa naging basbas ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista kung kaya’t makikipagpulong ang LTO sa PNP upang mapag-ibayo pa ang mga hakbang na malabanan ang ilegal na mga aktibidad ng mga online scammer na ito.

“We will enhance our partnership with the PNP-ACG to catch these scammers who are proliferating online,” ayon kay Asec. Vigor Mendoza II, Chief, LTO.

Aniya, talamak ang scammers online na nag-aalok ng tulong para mapadali ang pakikipag-transaksiyon sa LTO gaya ng pagkuha ng student permit, lisensiya o pag-renew ng sasakyan.

Nagbabala naman si Mendoza sa mga online scammer na hindi sila titigilan ng LTO hangga’t hindi napapanagot sa batas.

“Hindi titigil ang LTO at iba pang ahensya ng gobyerno hangga’t hindi nahuhuli ang mga gaya ninyo na nananamantala lamang ng kapwa. We are determined to put you behind bars,” pahayag ni Asec. Vigor Mendoza II, Chief, LTO.

Ang babala ni Mendoza ay bunsod ng paalala ng LTO-Bicol sa publiko na maging mapagmatyag laban sa mga online scammer na nanghihingi ng malaking halaga kapalit ang kanilang serbisyo.

Sa kabilang banda, sinabi rin ng LTO-Bicol na napag-alaman ng mga biktima na naloko sila ng mga scammer dahil peke ang lisensiyang ibinibigay sa kanila na karamihan ay nag-aalok ng kanilang serbisyo sa Facebook.

Hinimok pa ng LTO-Bicol ang mga netizen na iulat agad sa kanila ang mga grupo tulad ng ASP Manila upang hindi na mahulog pa sa kanilang patibong ang publiko sa kanilang ilegal na transaksiyon.

Samantala, hinimok din ni Mendoza ang mga netizen na maging bahagi ng kanilang laban kontra sa mga online scammer.

“More than anyone else, kailangan ng mga awtoridad ang tulong ng publiko upang masawata natin itong mga scammers na ito na ginagamit at sinasamantala ang teknolohiya upang makapang-loko ng tao,” ani Mendoza.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble