MAGSISIMULA na ang pamamahagi ng lumang suplay ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa piling lokal na pamahalaan, bilang tugon sa idinideklarang Food Security Emergency sa bansa.
Tatlong lokal na pamahalaan ang unang makatatanggap ng aging stock o lumang suplay na bigas mula sa NFA, na dadaan sa Food Terminal Incorporated (FTI), ngayong Miyerkules, Pebrero 18, 2025.
Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, ang unang batch ng suplay ay ipamamahagi sa San Juan, Valenzuela, Navotas, at Camarines Sur.
“The initial stocks will be released through the Food Terminal Inc. (FTI) to San Juan, Valenzuela, Navotas, and Camarines Sur,” ani Larry Lacson, Administrator, NFA.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng deklarasyon ng ‘Food Security Emergency’ sa bigas ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Ayon kay Lacson, ang bentahan ng bigas mula sa NFA papunta sa mga LGU ay nasa ₱33 kada kilo, habang ibebenta naman ito ng LGU sa kanilang nasasakupan sa halagang ₱35 kada kilo.
“The rice will be sold to local government units at ₱33 per kilo and may be retailed to consumers at ₱35 per kilo,” dagdag ni Lacson.
Paglilinaw ng NFA, ito pa lamang ang unang batch ng mga lokal na pamahalaang nagpahayag ng interes na bumili ng lumang stock ng bigas mula sa ahensiya.
Sa kasalukuyan, nasa 300,000 sako ng aging stocks ang nakatambak sa mga bodega ng NFA—mahigit tatlong buwan nang nakaimbak at nanganganib nang masira kung hindi agad maipapamahagi.
COMELEC QC, nagbabala sa mga kandidatong mamimigay ng bigas sa kampanya
Samantala, naglabas ng mahigpit na paalala ang Commission on Elections (COMELEC) Quezon City sa mga kandidatong sasabak sa eleksyon.
Ipinagbabawal ang pamamahagi ng anumang uri ng ayuda—pera, pagkain, kagamitan, o anumang bagay—na maaaring gamitin upang makaimpluwensya sa mga botante, alinsunod sa mga panuntunan ng COMELEC.
Ayon kay Atty. Jan Ale Fajardo ng COMELEC QC, hindi maaaring gamitin ng sinumang kandidato ang pamamahagi ng bigas bilang isang pampulitikang hakbang.
“Hindi magamit para paboran ang kahit sinong mga kandidato ngayong darating na eleksyon. Paalala sa lahat, ang pondong ginamit dito ay pag–aari ng ating bayan,” ayon kay Atty. Jan Ale Fajardo, Election Officer IV, COMELEC QC.
Ngunit, ano nga ba ang maaaring parusa sa mga kandidatong lalabag sa batas?
Ayon sa COMELEC, mahigpit ang magiging kaparusahan sa sinumang mapatutunayang namigay ng bigas o anumang ayuda bilang bahagi ng kanilang kampanya.
“Kapag ikaw ay nag–violate sa rules ng COMELEC, posible kang makasuhan at posible kang ma–disqualify. Or later on, ay posible kang mapakulong kapag ikaw ay napatunayan na nag–violate,” ani Fajardo.
Habang patuloy ang distribusyon ng NFA rice sa iba’t ibang LGU, nananatiling mahigpit ang COMELEC sa pagbabantay laban sa vote-buying.
Babala sa lahat ng kandidato: Ang pag-abuso sa pamamahagi ng ayuda ay hindi lamang isang paglabag sa batas—maaari din itong magdulot ng tuluyang diskwalipikasyon sa eleksiyon.
Follow SMNI News on Rumble