DAPAT magsilbing aral sa mga awtoridad ayon kay Pastor Apollo C. Quiboloy ng The Kingdom of Jesus Christ ang panibagong pag-atake ng mga terorista o communist terrorist groups (CTGs) sa lalawigan ng Quezon na ikinamatay ng limang Citizen Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) at ikinasugat ng iba.
Setyembre 1, 2023 dakong alas siyete ng umaga habang nagpapatrolya ang walong CAFGU na pinamumunuan ng isang sundalo ng 85IB sa Sitio Pag-asa, Brgy. Mapulot malapit sa hangganan ng Tagkawayan, Quezon at Labo, Camarines Norte, nakasagupa ang mga komunistang teroristang New People’s Army (NPA) mula sa Bicol.
Gamit ng mga terorista ang Improvise Explosive Device (IED), tinatayang tumagal ng 30 minuto ang palitan ng putok at nagresulta sa pagkasawi ng limang CAFGU Active Auxiliary at pagkasugat pa ng tatlo kasama ang squad leader.
Kaagad namang nadala sa malapit na pagamutan ang mga nasugatan habang patuloy ang pagtugis ng kapulisan at kasundaluhan sa mga nagsitakas na NPA pabalik sa direksiyon ng Bicol Region.
Ang naging hakbang na ito ng mga NPA ay mariing kinondena ni Quezon Governor Helen Tan.
Aniya ang pagamit ng IED ay labag sa International Humanitarian Law at ng Geneva Convention.
“Kinokondena din natin ang paggamit nila ng Land Mine na naging hudyat ng kanilang pagsalakay na salungat sa itinatadhana ng International Humanitarian Law at ng Geneva Convention,” ayon kay Governor Helen Tan, Governor, Quezon Province.
Sa ngayon ay patuloy ang pakikipag-ugnayan ng lokal na pamahalaan ng Quezon Province sa mga awtoridad upang mapanatili ang insurgency-free status ng lalawigan ng Quezon.
“Hindi natin papayagan na tuluyang basagin ng armadong pwersa ang katahimikan sa ating probinsya. Tayo ay patuloy na kumikilos at nakikipag-ugnayan sa pinagsamang pwersa ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, kapulisan, at mga sibilyan upang tiyakin na mananatiling insurgency-free” ang probinsya ng Quezon,” dagdag ni Tan.
Kaugnay nito sinabi ni Pastor Apollo na ang ganitong klaseng taktika ng mga rebeldeng grupo ay matagal nang ginagawa at sana ay magsilbi itong aral sa mga awtoridad.
Dapat din aniyang mas kondenahin ang mga ginagawa ng mga teroristang grupo.
At ipinangako ng butihing Pastor na mananatili ang SMNI sa mandato nitong tumulong sa pamahalaan sa pagkamit ng kapayapaan sa bansa.
Aniya sa pamamagitan ng programa ng SMNI na “Laban Kasama ang Bayan” patuloy itong magbibigay ng kaalaman sa mga kabataan at sa publiko upang masugpo na ang terorismo sa bansa na dulot ng CPP-NPA-NDF.