BINIGYANG-diin ng Chinese Ambassador to the Philippines na hindi mabubuwag ang magandang relasyon ng Pilipinas at China.
Tiniyak ito ni Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian sa ginawang opening ceremony ng “Photo Exhibition of China-Philippines Cooperation Achievements”.
Saysay ni Huang Xilian, maraming beses nang nagkita at nag-interact sina Pangulong Xi Jinping at Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa nakalipas na anim na taon.
Hindi lamang aniya sila nakabuo ng isang malalim na personal na pagkakaibigan ngunit nagkaroon din ng pondasyon o paglago ng bilateral relation.
Bukod dito, pinalakas at naihatid din ng China ang synergy sa pagitan ng Belt and Road Initiative at ng “Build, Build, Build” program sa nakalipas na anim na taon.
Isa sa proyekto sa ilalim ng BBB program ang landmark na China-gifted na Binondo-Intramuros Bridge kung saan libu-libong tao ang nakikinabang araw-araw at naging isang tourist attraction.
Sa nakalipas na anim na taon, dumoble rin ang dami ng kalakalan sa bansa.
Sa panahon ng pandemya, ani Ambassador Huang Xilian, kaisa rin ang China sa diwa ng bayanihan sa pamamagitan ng pakikipaglaban sa COVID-19 at pagbuo ng mas malapit na pakikipagtulungan upang labanan ang pandemya.
Sa nakalipas na anim na taon, sambit ng Chinese ambassador, naipatupad din sa tamang bilateral talks ang isyu sa South China Sea.
Nahawakan aniya nang maingat ang isang serye ng mga insidenteng nauugnay sa maritime at nagsagawa ng mga konsultasyon kaugnay sa joint development ng mga mapagkukunan ng langis at gas sa South China Sea.
Ang lahat ng ito ay nag-ambag din sa isang mapayapa at matatag na kapaligiran sa rehiyon.
Kaya naman, umaasa si Ambassador Xilian na mananatili ang magandang relasyon sa pagitan ng Pilipinas at China hanggang sa susunod na administrasyon.
Nitong Miyerkules, pinasinayaan ng embahada ang isang photo exhibition na nagha-highlights ng “China-Philippine Cooperative Achievements” sa nakalipas na anim na taon.
Pinamagatan itong “Friendship Bridge Spans Millenia, China-Philippines Friendship Remains Even Stronger” na inorganisa ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) kasama ang Chinese Embassy sa Binondo, Manila.
Sinabi ng Chinese Ambassador na muling pinatunayan ng mga larawan na ang pagkakaibigan ng China at Pilipinas ay naaayon sa pundamental at pangmatagalang interes ng dalawang bansa at ng mas malawak na rehiyon.
Nagpapakita rin ang maraming larawan ng pakikipagtulungan ng China sa maraming aspeto kabilang ang pagtutulungang pang-ekonomiya, pagtugon sa pandemya at kalamidad, pagbuo ng imprastraktura, at marami pang iba.
Samantala, pinangunahan ni FFCCCCII President Dr. Henry Lim Bon Liong ang ribbon-cutting ng naturang event kasama sina Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian, DPWH Acting Sec. Roger Mercado, Sen. Imee Marcos at Sen. Cynthia Villar.
Ginanap ang nasabing event sa Binondo, Maynila.
Matatandaang nagkaroon kamakailan ng telephone conversation sina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Chinese President Xi Jinping kung saan inilarawan ng Malakanyang ang naturang pag-uusap bilang “open, warm at positive.”