Magkapatid na Cayetano, kinokonsidera na maging bahagi ng minorya sa Senado

Magkapatid na Cayetano, kinokonsidera na maging bahagi ng minorya sa Senado

PATULOY pa rin na pinag-iisipan ng magkapatid na Senator Alan at Pia Cayetano kung saang block sila ng Senado mapapabilang.

Sa isang interview sa Senate Media, sinabi ni Senator Alan Peter Cayetano na bitin ang kanilang usapan ni Senador Migz Zubiri, ang napipisil na Senate President ng 19th Congress.

Kinumpirma ni Cayetano na kaniyang hiniling kay Zubiri na maging chairman ng makapangyarihang Senate Blue Ribbon Committee kapalit ng kanyang membership sa mayorya.

Ngunit matatandaan na ang nasabing posisyon ay inisyal nang naibigay kay Senador Francis Tolentino.

“Siguro kung ibibigay mo ang Blue Ribbon I would consider kasi aside sa andami ko nang nahawakan dyan ay assured na rin ang mga tao that I can fiscalize para hindi lang tayo guest man sa majority. Sabi nya sa Senate ay independent naman lahat. Eto lang yung mai-offer kong komite. So naghiwalay kami ni Sen. Migz kung ano sinabi mo pero pag-isipan mo sana yung sinabi ko,” pahayag ni Cayetano.

Bukod kay Zubiri, inamin ni Senator Alan na kinausap na sila ng iba’t ibang mambabatas sa Mataas na Kapulungan na maging bahagi ng mayorya kapalit ng magagandang komite.

Ngunit sadyang ipinagkait lang sa kanya ang inaasam na Blue Ribbon.

Si Senator Pia inamin din na kinausap siya ng mayorya sa ibang okasyon ngunit parehong nabitin.

“Noong nakausap ko si Tita Cynthia she was still a contender for the Senate presidency, of course both of them are saying join us join us.  I was abroad at doon ko na nalaman na nag give way siya at mula doon di ko na nakausap pa,” ani Sen. Pia.

Sa kabila nito, nilinaw ni Cayetano na wala siyang pakialam kung sa minority o majority siya mapapabilang dahil ang mahalaga sa kanya na nagagawa ang trabaho bilang mambabatas.

Nais aniya na maging independent o malaya sa ibang senador.

“There are blocks within the blocks but even the blocks kailangan sya ng consensus. So, kung concensus, consensus ka ng majority, ito ang ipapasa natin. You can have a consensus rejection. Basically  ”pag maging independent kami to do what I think is right,” ani Senator Cayetano.

Sakaling maging bahagi ng minorya ay siniguro naman ni Cayetano na hindi siya makikipag-agawan ng liderato.

Matatandaan na siya ay naging House Speaker ng Kamara sa panahon ng administrasyong Duterte sa ilalim ng term sharing deal.

Inaasahan na sa Hulyo 25 o pagbubukas ng 19th Congress ay maisasapinal kung sa minorya o mayorya ba mapapabilang ang magkapatid na Cayetano.

 

Follow SMNI News on Twitter