Mahabang pila sa NAIA, ginagawan ng paraan ng bagong tagapangasiwa ng paliparan

Mahabang pila sa NAIA, ginagawan ng paraan ng bagong tagapangasiwa ng paliparan

MADALAS na naii-stress ang mga biyahero dahil sa mahabang pila sa mga check-in counter, immigration, at final security checkpoint ng NAIA.

Dahil dito, laging nagmamadali ang mga pasahero na makarating sa paliparan nang maaga para maiwasan ang pagkaantala at posible na kalauna’y kanselasyon ng kanilang mga flight.

Sinabi ng NNIC na patuloy nilang ginagawa ang mga pagbabago sa NAIA para maalis ito sa listahan ng “Worst Airport in the World.” Bagama’t hindi saklaw ng NNIC ang immigration, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa ahensiya upang mapabilis ang proseso.

“Kaya sila mismo ang nakikipag-cooperate. We have a meeting with Commissioner Viado, nagkaroon na agad ng additional na 50 immigration officers,” saad ni Lito Alvarez, General Manager, NNIC.

Sabi pa ni Alvarez, patuloy rin ang pagsasanay ng iba pang immigration officers sa Clark, at inaasahang magkakaroon ng karagdagang mga immigration officer sa buwan ng Disyembre para mapagaan ang pila sa NAIA.

Bukod sa immigration, isa ring problema ang mahabang pila sa final security checkpoint na nasa ilalim ng Office for Transportation Security (OTS).

Halos 9 na buwan nang hindi gumagana ang ilang X-Ray machines dahil sa kakulangan ng spare parts.

“Last week lamang nag-report si Usec. Nieves, very supportive siya sa atin, lahat daw ng X-Ray machine ngayon, operational na, inayos na niya,” ani Alvarez.

Para kay NNIC Chairman Ramon Ang, ang susi sa paglutas ng mga problema sa paliparan ay ang mabuting pakikipagtulungan ng mga stakeholders at ahensiya.

“Ang kailangan ma-solve ang problema today is good cooperation with the airlines, good cooperation with CAAP, good cooperation with everybody,” Wika ni Ramon S. Ang, Chairman, NNIC.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble