NILINAW ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na itutuloy ng administrasyon ang pagpapatupad ng Maharlika Investment Fund (MIF) law, na magsisimula bago matapos ang taon.
Sa kaniyang pre-departure statement, bago umalis patungong Saudi Arabia nitong umaga ng Huwebes, binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangan na linawin ang mga naunang ulat na nagsasaad na ang MIF ay nasuspinde.
Giit ni Pangulong Marcos, ang gobyerno ay nakatuon sa pagsusulong ng pagpapatupad ng MIF.
Inihayag ni Marcos na habang ang mga paghahanda ay pinabibilis, mas marami ring improvements ang ginagawa para sa istruktura ng organisasyon ng sovereign fund.
Sinigurado rin ng Punong Ehekutibo na ang mga konsultasyon sa iba’t ibang stakeholder ay ginagawa upang matiyak na magiging mas mahusay ang operasyon ng MIF.
Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na patuloy niyang ipakikilala ang Maharlika Fund sa buong mundo.