MAHIGIT 12-K na mag-aaral ang sumubok sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) program ng pamahalaan na isa na namang patunay na ang kabataan ang siyang pag-asa ng bayan.
Kinumpirma ni Col. Leopoldo Babante, Group Commander 1RCDG sa eksklusibong panayam ng SMNI News North Central Luzon na mayroong 13 activated ROTC Unit at 18 affiliated ROTC Unit sa buong rehiyon.
“Sa 2nd semester ng School Year 2022-2023, mayroon tayong for a basic ROTC, ‘yung military science 2 mayroon tayong 407 sa ano naman, sa …. 2,466 and then sa pangkalahatan dito sa Region 1 meron tayong kumuha ng ROTC program na 12,000 plus dito sa Region 1,” ayon kay Col. Leopoldo Babante, GRUCOM, 1RCDG.
Isa itong patunay na marami ang tumatangkilik at nais maging bahagi ng ROTC program na lubos na makatutulong sa kanila bilang isang reservist at disiplinadong mamamayan.
Handang-handa naman ang kasundaluhan sakaling maging mandatory ang ROTC kung saan may nakamandato nang personnel na magtuturo at tutulong sa pagpatutupad ng ROTC mula sa iba’t ibang unit ng Philippine Army (PA).
“Maliban sa mga regular force na maa-assign o ma… sa reserved command ng army, meron din tayong mga gamit na mga reservist actually sa bawat probinisiya natin meron tayong ready reserved infantry battalion na ‘yun ay makatutulong sa pagtuturo sa ating mga ROTC cadet, ‘yung mga officer ng ready reserved infantry battalion, ‘yung mga commission officer din na makatutulong sa ating administration ng ROTC,” dagdag ni Col. Leopoldo Babante,
Sa pamamagitan din aniya ng ROTC ay maaaring mailayo ang mga kabataan sa ginagawang panlilinlang ng makakaliwang grupo at magabayan ang mga sila para sa isang magandang bukas.
Siniguro din ni Col. Babante na hindi na mauulit pa ang hindi magandang nangyari noon sa programa ng ROTC.
“Sa panahon ngayon is very professional ‘yung humahawak ng ating ROTC program, ‘yung mga personnel ng regional community defense group, ‘yung ating mga community defense center, very professional and dedicated so i-assure natin sa ating mga mamamayan na hindi na mangyayari ‘yung na-experience nung unang panahon,” ani Col. Babante.
Makakaasa naman ang mga mag-aaral at magulang na hindi mararanasan ng kanilang mga anak ang dating isyu ng ROTC kaugnay sa hazing dahil nasasaad sa batas na mariin itong ipinagbabawal na sinusunod at ipinatutupad ng hanay ng kasundaluhan.
Hinihikayat nito ang mga dating nagtapos ng ROTC program taong 1980s – 1990s na hindi nailista at naisyuhan ng ROTC serial number na kumuha ng transcript of record sa kanilang school, certified true copy ng registrant at ipakita sa CDC upang maging ganap na reservist at kabahagi ng reserve force ng PA.