MULING ipinatupad simula ngayong araw ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang expanded number coding scheme sa Metro Manila.
Ang expanded number coding scheme ay may layuning mabawasan ang sikip sa daloy ng trapiko partikular sa EDSA at sa iba pang pangunahing lansangan lalo na’t mag-uumpisa na rin ang pasukan ng mga estudyante at balik na rin ang face-to-face classes.
Sa datos ng MMDA, nasa mahigit 1,500 motorista ang nasita dahil sa pagsuway sa number coding mula 7-10 am.
Paglilinaw ng MMDA, exempted lang sa nasabing coding ang mga public utility vehicles, TNVs, motorsiklo, trak ng basura at petrolyo, marked vehicle ng gobyerno at media, trak ng bumbero at ambulansya.
Kabilang din sa exempted ay ang mga sasakyan na may dalang perishable goods o essential goods.
Kabilang sa mga lugar na sakop ng nasabing coding ay ang EDSA, Commonwealth, Roxas Boulevard, at C5.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang ginagawang clearing operations ng Task Force Special Operations ng MMDA.
Sa katunayan, isa ang Geronimo Street sa Lacson Avenue sa Maynila ang sinuyod ng MMDA.
Hakbang ito ng MMDA para sa paghahanda ng balik eskwela, kung saan isa-isa nilang pinanghahatak ang mga sasakyang iligal na nakaparada.
Pagmumultahin naman sa P3,500-P6,000 ang mga may-ari ng sasakyan na mahuhuli.
Umaasa naman ang MMDA na tatalima na ang mga motorista sa mga batas na ipinatupad ng pamahalaan.
3 araw isasagawa ang dry-run ng MMDA kung saan hindi muna titiketan ang masisitang motorista, pero asahan na ngayong Huwebes ay ipatutupad ang multa sa bawat motoristang lalabag.