AMINADO si Department of Local and Interior (DILG) Sec. Bejamin ‘Benhur’ Abalos na malaki ang ambag sa kapayapaan at pag-unlad ng bansa ang pagkakabuo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Kasunod ito ng pagdiriwang ng ika-5 anibersaryo ng Task Force ELCAC mula noong itinatag ito sa ilalim ng Duterte administration.
Ayon sa kalihim, ang naturang programa ay naging tulay sa pagbabagong-buhay ng mahigit 6 milyong residente sa mga conflict areas kasama na rito ang mga natapos na 3,460 projects sa ilalim ng Barangay Development Program.
Ilan sa mga landmark project ng Task Force ang farm-to-market roads, water systems, school buildings, health stations, rural electrification, COVID-19 projects, at training and livelihood assistance sa indigent families sa iba’t ibang panig ng bansa.
Giit ng kalihim, patuloy na hinihimok nito ang nasa poder pa rin ng komunistang teroristang kilusan na Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na sumuko at magbalik-loob sa pamahalaan.
Sa huli, aniya bagama’t may mga hamon at hadlang sa kapayapaan, naniniwala siya na sa pamamagitan ng ating pagkakaisa at pagtutulungan, makakamit din natin ang pinapangarap nating kapayapaan at kaunlaran sa bansa.