Mahigit 80 Pilipino sa Sudan, humingi ng tulong na makaalis ng Sudan

Mahigit 80 Pilipino sa Sudan, humingi ng tulong na makaalis ng Sudan

NASA 87 Pilipino sa Sudan ang humiling sa pamahalaan na makaalis na sa naturang bansa habang ang iba ay gusto nang umuwi ng Pilipinas.

Ito’y kasunod ng nagpapatuloy na karahasan sa Sudan dahil sa giyera sa pagitan ng dalawang heneral na nagsagawa ng kudeta noong 2021 na ngayon ay nag-aagawan na sa kapangyarihan.

Sa pahayag ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Migrant Affairs Eduardo Jose de Vega, inaayos na ngayon ni Philippine Ambassador to Egypt Ezzedin Tago ang pag-aasikaso sa kalagayan ng mga Pilipino partikular na sa kanilang suplay ng pagkain.

Inabisuhan naman ang mga Pilipino roon na manatili sa kanilang mga tahanan habang naghahanap ng paraan ang Embahada ng Pilipinas sa Ehipto para masuplayan sila ng pagkain.

Napag-alaman na nasa 9 na oras ang biyahe mula sa Egypt patungong Khartoum, Sudan kung saan sumiklab ang kaguluhan.

Ayon kay De Vega, tinatayang mayroong 400 Pilipino ngayon sa Sudan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter