INAPRUBAHAN ng Department of Budget and Management (DBM) ang Special Allotment Release Order (SARO) na nagkakahalaga ng mahigit 14 billion pesos (P14,025,351,666) sa Department of National Defense – Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, sakop ng naturang pondo ang regular pension requirements ng military retirees.
Dagdag pa ni Pangandaman, sinasaklaw ng SARO at ng kaukulang Notice of Cash Allocation (NCA) ang pension requirements mula Enero hanggang Marso 2023.
Inihayag pa ng Budget chief na ang napapanahong pagpapalabas ng pondo para sa pension requirements ng military retirees ay isa sa mga hakbangin ng gobyerno para kilalanin ang kanilang kritikal na papel sa pagpapanatili ng seguridad at katatagan ng bansa.
Kabilang ito sa prayoridad ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.