SINIRA ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) araw ng Martes, Mayo 20, 2025 ang nasa mahigit P5M halaga ng ilegal na droga.
Ang pagwasak ng mga nasabing ilegal na droga ay ginawa sa Integrated Waste Management, Inc., Barangay Aguado, Trece Martires City, Cavite.
Ang nasabing hakbang ay sinaksihan ng ilang opisyal mula sa Dangerous Drugs Board, PDEA, mga lokal na opisyal ng Brgy. Aguado, mga representate mula sa Philippine National Police (PNP) at ibang law enforcement agencies, Department of Justice (DOJ), Department of the Interior and Local Government (DILG), at maging ang mga non-government organization.
Aabot naman sa mahigit 2K kilo ng solid illegal drugs, at mahigit 3K milimetrong liquid illegal drugs ang winasak sa pamamagitan ng thermal decomposition or thermolysis.
Kabilang sa mga sinunog na iligal na droga ay shabu, marijuana, ecstasy, cocaine, toluene, ketamine, at marami pang iba.
Kasama rin sa winasak na ilegal na droga ang nasa mahigit 400 kilo ng shabu na nakumpiska ng pinagsanib na pwersa ng PDEA, National Bureau of Investigation at ng Bureau of Customs sa Port of Manila noong Enero 23, ngayong taon.
Ayon kay Usec. Isagani Nerez, Director General ng PDEA, ang mga winasak na iligal na droga ay nakumpiska mula sa iba’t ibang operasyon na ginawa ng mga awtoridad para labanan ang mga ilegal na droga.
“These are pieces of drug evidence confiscated during anti-drug operations by PDEA and other counterpart law enforcement agencies, including those turned over by authorities that were recently ordered by the court to be destroyed. Stacked inside a chamber, the dangerous drugs were burned beyond recovery,” saad ni Usec. Isagani Nerez, Director General, Philippine Drug Enforcement Agency.
Nabatid na ito ang kauna-unahang seremonya ng pagwasak ng mga ilegal na droga na dinaluhan ni Usec. Nerez mula nang maitalaga ito bilang director ng PDEA, tatlong buwan na ang nakalilipas.
Binigyang-diin din ni Director General Nerez na ang pagsira ng mga iligal na droga ay pagpapakita sa publiko na hindi nare-recycle ang mga nakumpiskang iligal na droga.