KASADO na ng Philippine Ports Authority (PPA) ang mas pinaigting na seguridad sa mga pantalan ngayong holiday season simula Disyembre 16, 2023 hanggang Enero 15, 2024.
Inaasahan ng PPA na aabot sa 5.1-M mga pasahero ang darating sa mga pantalan.
Ayon sa PPA, aabot sa 17,000-20,000 ang daily passenger sa Port of Batangas tuwing peak season habang kabilang naman sa mga pinakamatataong pantalan tuwing Christmas season ang Port Management Office Panay, Guimaras, Mindoro, Negros Occidental, Bacolod, Banago, Bacolod Real Estate Development Corporation (BREDCO), Negros Oriental, Siquijor.
Kabilang sa mga security measures ng PPA at ang mas madalas na pagpapatrolya sa lahat ng pasilidad ng mga pantalan gaya ng mga terminal at entry points; masusing inspeksiyon sa mga cargo, sasakyan, at personnel; pakikipagtulungan sa iba pang ahensiya; pagbibigay ng kaalaman sa publiko para sa security measures at pagre-report ng mga kahina-hinalang aktibidad.
Nanawagan na rin ang PPA sa mga shipping lines na dagdagan ang mga barko para hindi ma-delay ang mga pasahero sa pantalan na nag-aantay ng susunod na biyahe.