Makati hiniling sa korte na maglabas ng Status Quo Order laban sa Taguig

Makati hiniling sa korte na maglabas ng Status Quo Order laban sa Taguig

NAGHAIN ngayong araw ang Makati City ng “Urgent Motion for Clarification with Prayer for the Issuance of a Status Quo Ante Order” (“Urgent Motion”) sa Branch 153 ng Regional Trial Court of Taguig City para sa kasong may titulong “Municipality of Taguig (Now City of Taguig) v. Municipality of Makati (Now City of Makati) et. al.”, Civil Case No. 63896.

Sa Urgent Motion, hiniling ng Makati City sa RTC-Taguig na maglabas ng status quo order laban sa Taguig City upang pigilan ang mga pagtatangka ng huli na sapilitang ipatupad ang desisyon ng Korte Suprema nang walang writ of execution mula sa trial court, at bago pa matiyak ang mga hangganan ng parcel 3 at 4 ng Psu-2031.

Inihain ni Mayora Abby ang Urgent Motion kasama sina City Administrator Claro Certeza at City Legal Officer Michael Camiña.

Ang status quo order na kahalintulad ng cease-and-desist order ay isang kautusan na panatilihin ang huling aktuwal na maayos at mapayapang kalagayan bago maganap ang kontrobersiya. Hindi naman nagbabago ang pasya ng Korte Suprema na ang isang status quo order ay kinakailangan upang maisulong ang ikabubuti ng nakararami at maprotektahan ang kapakanan ng publiko.

Ayon kay Mayora Abby, nais lamang ng Makati na maging maayos ang pagpapatupad ng Supreme Court decision nang hindi gaanong magagambala ang mga residente at tuloy-tuloy pa rin ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa mga apektadong lugar.

Tinukoy ng Makati ang ilang mga nakakaalarma at nakakalitong insidente, tulad ng tangkang pagpasok ng Taguig sa loob ng isang housing project na pag-aari ng Makati at sapilitang pag-angkin sa public school buildings at health centers sa mga apektadong barangays.

Ani Mayora Abby, hindi pwedeng basta na lamang ilagay ng Taguig ang batas sa sariling kamay at gawin ang gusto nang walang writ of execution na galing sa korte. Aniya, ang walang pakundangang pagtatangka ng Taguig na ipatupad ang SC decision ay lubhang nakakaapekto sa taumbayan, at nagdudulot ng tensyon at kalituhan sa pagitan ng mga residente at iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Giit pa ng Makati, kinakailangan ang writ of execution dahil hindi tahasang ipinag-utos ng Korte Suprema bilang “immediately executory” ang alinmang bahagi ng naturang desisyon. Bukod dito, hindi rin malinaw na nakasaad dito ang eksaktong mga hangganan ng parcels 3 at 4 sa Psu-2031.

Sa pamamagitan ng Urgent Motion, maigigiit ng Makati ang mga karapatan nito bilang may-ari ng mga property sa disputed areas. Tulad ng sinabi ni Mayora Abby, ang kaso ay tungkol sa territorial dispute, at hindi nito sakop ang pag-mamay-ari sa properties na nakapaloob sa disputed territory.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter