PAIIGTINGIN ang pagmo-monitor sa merkado sa gitna ng pagtaas ng inflation rate nitong Agosto ayon sa Malacañang.
Paiigtingin ng gobyerno ang pagsubaybay sa mga presyo ng bigas sa merkado.
Ito ang binigyang-diin ni Executive Secretary Lucas Bersamin matapos ang ulat na tumaas ang headline inflation sa 5.3 porsiyento noong Agosto.
Tinukoy ni Bersamin ang ulat ng National Economic and Development Authority (NEDA) na nagsasabing ang pagtaas ng inflation rate, partikular sa pagkain, ay dulot ng pagtaas ng presyo ng bigas.
Idinagdag pa ng Executive Secretary na ang datos na ito ay isa sa malaking dahilan sa pagpasya ng Pangulo sa pagtatakda ng price ceiling sa bigas, na isang pansamantalang patakaran upang tugunan ang inflation.
Layon din ng polisiyang ito na mabawasan ang paghihirap ng mamamayan at puksain ang mga nagmamanipula ng presyo.
Noong Agosto 31, inilabas ng Pangulo ang Executive Order (EO) No. 39 na nag-uutos ng pagpapatupad ng price cap para sa regular at well-milled rice sa P41 kada kilo at P45 kada kilo.
Ayon kay Bersamin, inilabas ng Pangulo ang EO upang protektahan ang vulnerable population laban sa hindi makatwiran at artipisyal na pagtaas ng presyo ng bigas dulot ng hoarding at manipulasyon ng presyo.
Sa ilalim ng EO, ang Department of Trade and Industry (DTI) at ang Department of Agriculture (DA), sa pakikipagtulungan sa iba pang ahensiya ng gobyerno, ay titiyakin ang mahigpit na pagpapatupad at pagbibigay ng tulong sa mga retailer na apektado ng price ceiling.
Samantala, inihayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno na determinado ang gobyerno sa pangako nitong pagaanin ang epekto ng inflation at tumulong na protektahan ang mga consumer, retailer, at mga magsasaka.
Para makatulong sa pagprotekta sa mga mahihinang sektor, ani Diokno, tututukan ng gobyerno ang pagkumpleto ng target na cash transfer (TCT) program nito, gayundin ang fuel subsidy program para sa mga kwalipikadong driver at operator ng public utility vehicle (PUV).
Samantala, pabibilisin din ng gobyerno ang paglulunsad ng fuel discount program para sa sektor ng agrikultura at pangisdaan, kung saan higit sa 312,000 magsasaka at mangingisda ang makikinabang.