Malalaking transport groups, hindi lalahok sa 3-araw na tigil-pasada

Malalaking transport groups, hindi lalahok sa 3-araw na tigil-pasada

TINIYAK ng iba’t ibang lider ng malalaking transport groups sa bansa na hindi sila makikiisa sa panawagan ng ibang grupo na magsagawa ng tigil-pasada sa araw ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Kapit-bisig ang 12 transport groups sa isang pulong balitaan, umaga ng Martes, Hulyo 18.

Kasama ng mga ito si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Assistant Secretary Teofilo Guadiz III.

Layunin ng pulong balitaan na ipakita ang kanilang pagkakaisa at suporta sa gobyerno.

Ilan sa mga nagpakita kanina sa pulong balitaan ay Pasang Masda, FEDJODAP, ALTODAP, LTOP, ACTO, Stop and Go COALITION, PBOA, TAXI, UV Express at iba pa.

Kumpiyansa si LTFRB chairman Atty. Teofilo Guadiz III na mabibigo ang tatlong araw na tigil-pasada sa susunod na linggo.

Ito ay matapos dumalo sa pulong balitaan na isinagawa ng mga transport group na tutol sa tigil-pasada.

Sinabi naman ni Transport Department Secretary Jaime Bautista na hindi binabalewala ng pamahalaan ang hinaing ng mga grupong magsasagawa ng tigil-pasada.

Patunay aniya dito ang patuloy na dayalogo sa transport groups upang mailatag ang kanilang mga problema at matugunan.

Sa kabila nito, nakalatag na ang contingency measures ng LTFRB upang maalalayan ang mga pasahero.

Kasama rito ang pagde-deploy ng libreng sakay at rescue buses sa mga rutang posibleng mawalan ng biyaheng jeepney.

Nakipag-ugnayan na rin ito sa PNP para mabantayan ang kaligtasan ng bawat tsuper at pasahero.

Partikular sa ilang key areas na may banta ng pambabato, paglalagay ng spike sa kalsada, at pangha-harass sa mga tsuper para lang lumahok sa strike.

Nauna nang nagbabala ang LTFRB sa mga sasali sa strike na mahaharap ang mga ito sa sanctions kabilang ang suspensiyon o revocation ng kanilang prangkisa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter