Malvar Mayor-Elect Art Abu, nanumpa sa harapan ng isang Brgy. Kapitan ng Malvar, Batangas

Malvar Mayor-Elect Art Abu, nanumpa sa harapan ng isang Brgy. Kapitan ng Malvar, Batangas

SA harapan ni Brgy. San Andres, Malvar, Batangas nanumpa ang bagong halal na Punong Bayan na si Mayor Art Abu.

Makasaysayan para kay Mayor Art ang tagpo nang itaon ito sa mismong Araw ng Kalayaan, June 12, 2025.

“Today, as we are celebrating our country’s 127th Independence Day, i took my oath as an elected Mayor of our hometown before Captain Leo Morcilla of Brgy San Andres, Malvar, Batangas,” saad pa ng alkalde

Sa kanyang talumpati, ibinahagi nito ang kanyang malalim na dahilan kung bakit pinili niya ang isang Kapitan ng Barangay para manumpa bilang bagong alkalde ng Malvar, Batangas.

“Una, ito’y pagkilala sa ugat ng pamumuno. Ang Kapitan ng Barangay ang kauna-unahang nilalapitan ng mamamayan sa panahon ng pangangailangan. Sa kanyang mga kamay nagsisimula ang tunay na serbisyo. Sa kanyang pamumuno nakasalalay ang araw-araw na buhay ng bawat pamilya sa barangay. Sa kanya nagsisimula ang gobyerno. Kaya’t marapat lamang na sa isang tulad niya ko ipahayag ang aking panata ng marangal at makataong paglilingkod.”

 “Ikalawa, ito’y pagpapakita ng pagkikiisa at paggalang sa pinakaunang antas ng pamunuan. Sa pamamagitan ng panunumpa sa Kapitan ng Barangay, nais kong ipabatid sa bawat mamamayan na ako’y handang makinig, makipagtulungan, at makiisa sa lahat ng antas ng pamahalaan. Walang mataas o mababa sa paglilingkod — pantay-pantay ang ating layunin: ang mapabuti ang buhay at maging maginhawa ang bawat mamamayan sa Barangay.”

“At panghuli, ito’y pagpapahalaga sa serbisyong malapit sa taong bayan. Ang pamumuno ay hindi lamang nasusukat sa taas ng posisyon kundi sa lalim ng malasakit. Sa harap ng isang lider na araw-araw ay kasama ng ating mga kababayan sa barangay. Ang papel ng isang Alkalde ay manguna nang may vision, ngunit ang papel ng Kapitan ng Barangay ay manguna nang malapit sa puso ng mamamayan. Ang Alkalde ang nagtatakda ng direksyon ng kaunlaran; ang Kapitan ang nagsisiguro na ito ay umaabot sa tao. Maaaring magkaiba ang aming posisyon sa saklaw, ngunit hindi sa dangal o layunin.” paglilinaw ni Abu.

Sa huli, binigyang-diin nito sa kanyang mga nasasakupan na sa ilalim ng kanyang pamumuno, ay pahahalagahan nito ang nasa laylayan ng kanilang lugar na may paggalang at pantay na pagkilala sa bawat mamamayang Malvareño.

“Sa panunumpa kong ito, nawa’y magsilbing paalala sa atin na ang pamahalaan ay hindi lamang gusali o opisina — ito’y ugnayan, pakikipagkapwa, at pagkakaisa. Makakaasa kayo na ito ang uri ng pamumuno na aking isasabuhay…” pagtatapos ng pahayag ni Mayor Art.

Tinaguriang “Dragon Slayer” si Mayor Art ng marami matapos nitong talunin ang katunggali sa pagka alkalde ng Malvar na nanilbihan ng mahigit dalawang dekada.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble