HINDI napigilan ni Lola Gregoria Buenviaje na maging emosyonal sa posibilidad na mawalan sila ng tahanan at kabuhayan, kasunod ng posibleng hatian ng mahigit 3,000 ektaryang lupain sa pagitan ng mga ARB at Roxas & Company Inc.
Ang hatian umano ay bunsod ng kasunduan sa pagitan ng dating abogado ng ilang ARB at ng RCI. Dahil dito, nagpalabas ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng isang consolidated order na nag-uutos na magkaroon ng hatiang-lupa.
Bagamat hindi pa malinaw kung paano isasagawa ang hatian, nangangamba ang mga residente na direktang maapektuhan ang kanilang pamumuhay, lalo’t hindi rin umano sila nasabihan o nabigyan ng pagkakataong makapagsalita.
Ayon kay Lola Gregoria, na kakalipas lamang ng kanyang ika-73 kaarawan, nasa tatlong ektarya ang lupang kanilang inaangkin, at napakahirap umanong tanggapin na maaari silang mapalayas.
Napag-alaman na taong 1990 pa nila natanggap ang lupa. Dito na siya isinilang, lumaki, at tumanda.
Upang mapigil ang kautusan, dumulog na sila sa Court of Appeals at nananawagan sa korte na maglabas ng Temporary Restraining Order para mapatigil at mapawalang-bisa ang nasabing order ng DAR.
Giit ng mga petitioner, wala silang kaalaman sa pinasok na kasunduan, at walang awtoridad ang abogado na kumatawan sa kanila sa ganitong transaksyon.
Napag-alaman na maliban kay Lola Gregoria, libong mga pamilya pa ang maapektuhan ng order ng DAR.
