Mambabatas may babala sa agri smugglers, hoarders kapag naisabatas na ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Bill

Mambabatas may babala sa agri smugglers, hoarders kapag naisabatas na ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Bill

UMAASA ang partylist law maker na matatapos na ang paghihirap ng mga magsasaka sa bansa at ng mga mamimili kapag tuluyan nang maisabatas ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act. Posible rin aniya mangyari ito bago matapos ang 2024.

“Winawarningan na natin ang mga smuggler, hoarder, profiteer, kartel, tumigil na kayo! Una, maawa kayo sa mga magsasaka’t mamimili, pangalawa maawa kayo sa inyong sarili, sapagkat ‘pag kayo nahuli, lifetime imprisonment, non-bailable at tatlong beses ang multa kung magkano ang inyong inii-smuggle,” ayon kay Rep. Nicanor Briones, Agap Party-list.

Ito ang babala ni Agap Party-list Rep. Nicanor Briones, ang principal sponsor ng Anti- Agricultural Economic Sabotage Act sa mga gumagawa ng economic sabotage at lalong nagpapahirap sa mga magsasakang Pilipino.

Dagdag din ng mambabatas, maging ang warehouse at cold storage ay puwedeng makumpiska kapag napatunayang sangkot ang sinumang indibidwal sa ilegal na aktibidad.

Sa kabilang banda, nagpahayag ng pasasalamat ang grupo ng mga magsasakang Pilipino nang ratipikahan ng Senado at Kongreso ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act noong Miyerkules, Mayo 22, 2024.

Layunin ng panukalang batas na ipawalang-bisa ang Republic Act No. 10845 (Anti-Agricultural Smuggling Act), at magpataw ng mas matinding parusa para sa smuggling, hoarding, profiteering, at pagbuo ng mga kartel ng mga produktong pang-agrikultura at pangisdaan.

Dagdag pa ni Briones, simula nang maupo ang BBM administration, wala pang nahuhuli at nakukulong na mga sangkot sa smuggling ng agricultural products sa bansa.

Sinabi rin nito na sa nasabing batas, isinasaad ang pagkakaroon ng national council sa ilalim ng Office of the President.

Kasama sa council ang pitong sektor ng magsasaka at may enforcement group na mula sa National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP) at Coast Guard.

Binigyan-diin pa ng mambabatas, hindi maaaring isama ang Bureau of Customs (BOC) dahil walang saysay ang batas na ito tulad sa Anti-Agricultural Smuggling Act, dahil may mga probisyon ito na pabor sa mga smuggler, hoarder, profiteer, at cartel kung saan ang Customs ang nangunguna sa nasabing batas.

Naniniwala rin ang mambabatas na bago ang SONA ay tuluyan na nga itong magiging batas.

“Ako’y naniniwala na itong Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, mapipirmahan ng presidente bago mag SONA sapagkat ako’y naniniwala rin na ito’y kanyang babanggitin sa darating na SONA itong July, sapagkat noong last SONA ipinangako niya at sinabi na tutugisin niya ang smuggler, hoarder, profiteer, at ang, kartel,” dagdag pa ni Briones.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble