KINILALA ng Department of Science and Technology (DOST) sa ginanap na National Academy of Science and Technology (NAST) Environmental Science Award ang isang Filipino scientist.
Ito ay matapos makabuo ng isang pag-aaral na may malaking kontribusyon sa pangangalaga at konserbasyon sa kapaligiran sa bansa.
Nasa 8 nominees mula sa iba’t ibang academic institutions ang pinagbotohan at nagwagi rito ay si Dr. Dranreb Earl Juanico mula sa Technological Institute of the Philippines.
Ang kaniyang pag-aaral ay pinamagatang “Does Mangrove restoration imply coastal protection?”
Base sa kaniyang simulation study, napatunayan na epektibo ang pagtatanim ng Rhizophora, isang uri ng mangrove species na makatutulong sa mga restoration program.
Gayunding nakatutulong bilang panangga sa storm surge o daluyong.
At maging ngayong matindi ang epekto ng climate change o pagbabago ng klima o panahon na nagiging sanhi ng mga sakuna o kalamidad na hindi lang nangyayari sa Pilipinas kung hindi sa buong mundo.
Sa ibinahaging datos nito, less than 10% na lamang ng mga mangrove ang nakatanim sa Pilipinas.
Kung kayat, napapanahon na mabigyan ito ng pansin ng pamahalaan para sa environmental protection ng Pilipinas.
Pero, aminado naman ang naturang ahensiya na napakalayo ng Pilipinas sa bilang ng mga scientist kung ikukumpara sa ibang bansa.
Gayunpaman, nanawagan naman si Dr. Juanicio ng suporta sa publiko at naway maging inspirasyon ito upang mas marami pang kabataan ang pumasok sa larangan ng siyensya.
Si Dr. Juanico ay tumanggap ng P150,000 cash prize mula sa NAST Philippines at P2 milyong environmental grant ng kaniyang research proposal.