Manila-Calamba Railway, nakatakdang buksan sa publiko sa taong 2025

Manila-Calamba Railway, nakatakdang buksan sa publiko sa taong 2025

ININSPEKSYON ng Department of Transportation (DOTr) ang mga lugar na pagpapatayuan ng Calamba Station at  Banlic Train Depot ng North-South Commuter Railway.

Asahan ang mas mabilis na pagbibiyahe mula sa Calamba patungong Manila at Clark, Pampanga.

Ito ang tiniyak ni Department of Transportation Secretary Arthur Tugade matapos niyang inspeksyunin ang mga lugar ng pagtatayuan ng Calamba Station at ng Banlic Train Depot na bahagi ng Phase 3 Project ng North-South Commuter Railway.

Ang Manila-Clark ang kukumpleto sa North-South Commuter Railway Project na magkokonekta sa Blumentritt Road sa Maynila patungong Calamba, Laguna.

North-South Commuter Railway, mapapaiksi ang biyahe sa pagitan ng Clark, Manila at Calamba

Kung galing ang komyuter sa Calamba, Laguna papuntang Alabang ay iikli na lang sa 27 minuto ang pagbibiyahe mula sa 50 minuto sa pamamagitan ng North-South Commuter Railway.

Kung tutungo naman sa Makati Buendia, mula isa at kalahating oras ay iikli na lamang ang biyahe sa 45 minuto kung manggagaling sa Calamba.

Habang ang mga papuntang Blumentritt, Manila naman ay isang oras na lang ang biyahe mula sa 2 oras.

Kung pupunta naman sa Clark International Airport, iikli na lamang sa isa at apatnaputlimang minuto ang travel time mula sa 4 na oras.

Dagdag nito ay tiniyak ni Tugade na ang  56 kilometrong Manila-Calamba Railway ay magiging operational na sa taong 2025.

Inaasahan na maseserbisyuhan ng karagdagang railway project ang nasa 350,000 pasahero kada araw.

Pagpapatayo ng Banlic Train Depot sa Calamba, uumpisahan na sa 1st quarter ng 2022

Samantala, uumpisahan na rin ang pagpapatayo ng Banlic Train Depot sa unang quarter ng 2022 na bahagi pa rin Phase 3 Project ng North-South Commuter Railway.

Ito ay may lawak na 22 ektarya na magsisilbing paradahan para sa mga tren ng North South Commuter Railway.

Isa lang ito sa tatlong train depots na itatayo ng DOTr kung saan dalawa nito ay nasa Clark at Valenzuela.

Ikinatuwa naman ng lokal na pamahalaan ng Calamba ang mga proyektong itatayo sa lungsod sapagkat kahit papaano ay maitataas ang kalidad ng pamumuhay ng mga residente.

Maliban dito ay marami rin ang mabibigyan ng trabaho habang ipinatatayo ang mga nasabing proyekto maging sa pagbubukas nito sa publiko na aabot sa 10,000 indibidwal.

Sa kasalukuyan ay nasa 15,000 hanggang 20,000 katao na ang nabibigyan ng trabaho sa pagsimula ng Phase 1 at 2 ng North-South Commuter Railway.

SMNI NEWS