NILINAW ng Commission on Elections (COMELEC) na may manual at automated talaga na uri ng pagboto para sa mga Pilipino sa Europa maging ang mail-in voting ay legal din.
Ito ang inihayag ni COMELEC Commissioner Atty. Marlon Casquejo sa panayam ng SMNI News.
Noong nakaraang taon pa aniya nilabas ng COMELEC sa mga embahada ang notice hinggil dito.
Sa siyamnapu’t dalawang posts aniya sa Europa, 46 o kalahati dito ay manual.
Binigyang-diin ni Casquejo na mababasa ang mga boto ng mga Pilipino abroad dahil may mga lehitimong watchers na silang itinalaga sa panahon ng pagbibilang ng boto.
“Sinisigurado po na bibilangin po ‘yun kasi may mga watchers naman tayo nasa embahada during counting ng ating mga manual votes. So, yung mga watcher post natin mga accredited naman po sila, iba nga doon mga Filipino community nandoon din po nagpapadala sila ng watchers. Sigurado po tayo na mabibilang nang maayos,” ayon kay Casquejo.
Sa isyung pare-pareho ang numero ng folder ng mga botante, nilinaw ni Casquejo na numero lang iyon ng kinabibilangan nilang cluster precincts.
Ang mismong balota na ang may sariling serial numbers.
“Sa isang cluster precincts, mayroon po tayong isang libong balota. So, meron talagang isang libong pare-pareho ‘yung ballot ID number identification po yun. Pero yung balota mismo mayroon ballot serial number. Ito yung pagkakaiba ng ballot serial number at saka ballot ID number,” ayon pa kay Casquejo.
Samantala, sa mga ulat din na hindi binasa ang ilang mga kandidatong naiboto nila, sinabi ni Casquejo na hindi pala maayos ang pagkaka-shade ng botante batay sa kanilang imbestigasyon.