Marbil nag-abiso sa PNP: Huwag itago ang totoong datos ng krimen sa bansa

Marbil nag-abiso sa PNP: Huwag itago ang totoong datos ng krimen sa bansa

TILA nagbago na ang posisyon ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa tumataas na kaso ng kidnapping at iba pang krimen sa bansa.

Ipinag-utos ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil sa mga komandante na huwag itago ang mga nangyayaring krimen sa kani-kaniyang areas of responsibility.

Nauna nang ipinahid ni Marbil sa iba ang sisi sa umano’y “maling impresyon” ng lumalalang krimen—na aniya’y epekto lamang ng mga post sa social media.

Ipinagmalaki rin ng PNP chief na bumaba ng 26.76 percent ang crime rate sa bansa mula Enero 1, 2025—ngunit walang inilabas na detalye o breakdown kung anong mga kaso ang bumaba.

Ayaw pang aminin noon ng PNP na mataas pa rin ang antas ng krimen sa maraming komunidad sa bansa na hindi agad napapansin ng mga awtoridad.

Ngunit ngayon, inatasan na ni Marbil ang mga opisyal nito na isiwalat ang tunay na datos ng krimen—at huwag ito ng pagtakpan.

Giit ng heneral, kung may pagtaas, kailangan itong aminin upang mas maunawaan at matugunan nang tama.

“Ipakita natin ang totoong datos ng krimen. Kung may pagtaas, mahalaga na aminin natin ito para mas maunawaan natin ang sitwasyon, makapagresponde ng maayos, at makahanap ng mga epektibong solusyon. Ito ang tunay na kahulugan ng serbisyo publiko,” pahayag ni PGen. Rommel Francisco Marbil, Chief, PNP.

Seguridad sa long weekend: Pulisya, naka-alerto mula simbahan hanggang kalsada

Samantala, sa Region 3 o Central Luzon, nag-deploy ang PNP ng mahigit isang libong pulis dahil sa mga aktibidad ng mga deboto ngayong Semana Santa.

Sa Quezon City naman, nasa 2,000 pulis ang ipinakalat upang bantayan ang mga simbahan, major thoroughfares, terminals, at commercial areas.

Magiging katuwang din ng PNP ang local forces upang masigurong ligtas ang publiko— lalo na sa mahaba-habang bakasyong ito.

Inaasahang dadagsa ang mga tao sa iba’t ibang lugar, hindi lang dahil sa Kwaresma kundi dahil din sa long weekend.

Sa kabuuan, nasa 40,283 police personnel ang idineploy ng PNP sa buong bansa.

Nananatiling nakataas ang alerto ng pulisya bilang bahagi rin ng paghahanda para sa midterm elections sa Mayo 2025.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble