HINDI takot sa mga oligarko.
Ito ang katangian ni senatorial candidate Rodante Marcoleta na nagustuhan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaya inindorso ito ng Pangulo kahit hindi sila personal na magkakilala.
Sa isinagawang panayam ni Pangulong Duterte kay Marcoleta sa tatlumpung minutong programang ‘The President’s Chatroom”, sinabi ng Pangulo na nagkaroon siya ng interes kay Marcoleta at sinuportahan ito dahil sa hindi ito takot sa pera at sa mga oligarko.
Tiniyak naman ni Marcoleta sa Pangulo na ipagpapatuloy ang mga programa nito sa imprastraktura para sa mas mabilis na pagpasok ng investments sa bansa.
‘’Ang nais ko po ay maipagpatuloy ang mga iyon, unang-una na po ay iyong infrastructure program na inyong naisulong. Nakita ko naman po talaga na sa panahon niyo lamang umabot iyong 5.1% na ratio na infrastructure spending sa ating GDP. Hindi po nangyari iyon sa mahabang panahon, matagal na po ako sa Kongreso Mr. President ngunit naglalaro lamang po sa 2% ng ating GDP ang nailalatag sa infrastructure program, napaka importante po noon sapagkat kapag nailatag na ang infrastructure backbone ng ating bansa, alam naman po natin na ma-aattract ang ating investments,’’ ayon kay Marcoleta.
Kasama rin sa tututukan ni Marcoleta ang pagpapababa sa singil sa kuryente, pagpapalago sa sektor ng agrikultura, pagtataguyod sa sektor ng edukasyon partikular na ang pagpatutupad ng batas kung saan ang paggawa ng libro ay hindi na sa DepEd kundi ang mga private sector publishers na.
Para iwas naman sa korapsyon ay isusulong ni Marcoleta ang pagpapatupad ng pre-audit ng Commission on Audit (COA) sa halip na ang nakasanayang post-audit.
Kabilang din sa mga programang isusulong ni Marcoleta sakaling mahalal bilang senador ang pagpapalakas sa oversight function para sa mas maayos na pagpatutupad ng mga batas.
‘’Siguro po kung ako ang magkapalad po ako, ang palalakasin natin ang oversight function po talaga. Iyong tutuhanan at seryosong pagtingin at pag-aayos kung paano na-implement. Marami po tayong batas Mr. President, hindi lamang po talaga naipatutupad nang maayos sapagkat kulang po tayo sa mga tao iyong dedicated enough to look into these areas Mr. President,’’ saad ni Marcoleta.