Marcos admin, dapat bigyan ng sapat na panahon na magawa ang mga pangako bago husgahan—Pastor ACQ

Marcos admin, dapat bigyan ng sapat na panahon na magawa ang mga pangako bago husgahan—Pastor ACQ

HINDI dapat agad husgahan ang Marcos administration, kundi dapat bigyan muna ng sapat na panahon na tuparin ang mga pangako nito, ayon kay Pastor Apollo C. Quiboloy.

Sa muling pagbabalik ng kaniyang programang Give Us This Day nitong Agosto 2, inihayag ni Pastor Apollo ang kaniyang naging pananaw sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Ayon sa butihing Pastor, maganda ang lahat ng sinabi ni Pangulong Marcos ngunit mayroon siyang inaasahan.

“Lahat gusto ko. At ano ang inaasahan ko? Na lahat ng sinabi niya ay matutupad,” pahayag ni Pastor Apollo C. Quiboloy, The Kingdom of Jesus Christ.

Ani Pastor Apollo, maaga pa upang hatulan ang liderato ng Pangulo.

“Masyadong maagang i-judge natin ang ating Pangulo ngayon sa iisang taong pa lang niya sa panunungkulan. Hintayin natin ang katuparan ng lahat ng sinabi ay matutupad,” dagdag ni Pastor Apollo.

Kaugnay rito, inihalimbawa ni Pastor Apollo ang panahon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kung saan hinihintay ng butihing Pastor ang ilang taon bago siya nagsalita at nakita naman aniya na tinupad ng dating Pangulo ang mga pangako nito.

“Si Pangulong Duterte, ‘di ba pinangako niya? Kaya noong tinanong ako one day kung ano masasabi ko kay Pangulong Duterte lalo na ‘yung first years, sabi ko I cannot judge sa ngayon, hintayin muna natin tuparin niya ang kanyang mga ipinangako. Eh dumating ‘yung panahon na tinupad niya lahat ng pinangako niya.”

“Tulad sa drugs, eh ang laki ng kaltas sa peace and order natin, ang ganda ‘di ba? Napakaganda ng mga nangyari,” wika pa ng butihing Pastor.

Binigyang-diin ni Pastor Apollo, na nasa panahon pa ng pagtatanim si Pangulong Marcos kaya dapat hintayin ang magiging bunga nito na siyang kaniyang batayan ng tagumpay ng isang pinuno.

“Ngayon ay nagtatanim pa lang siya. ‘Yung pagtatanim, pangako yan.”

“Maganda lahat ang sinabi doon. Walang masama doon; para sa lahat ng kabutihan natin ‘yun. Pero hintayin natin na magkabunga ‘yung sinabi niya. Ako, doon ako humahatol sa bunga because I always manage by the results. I always judge by the results,” aniya pa.

Pastor Apollo C. Quiboloy, hangad ang tagumpay ng Marcos administration

Kaya naman, dinadalangin ng butihing Pastor na maging matagumpay ang Marcos administration para sa ikabubuti ng bansa.

“Habang ngayon, manalangin tayo na mag-succeed ang ating Pangulo. Mag-succeed ang kanyang administrasyon at ang kanyang pamamahala sapagkat siya ang ating itinalaga, inihalal para diyan sa posisyon na ‘yan. Ipanalangin natin ang lahat ng wisdom, knowledge and understanding ibibigay ng Ama sa kaniya para siya ang maging guide ng bansang ito sapagkat siya ang pamuno ngayon. Siya ang ama ng bansang ito ngayon na umuuna, naga-guide sa atin sa lahat ng dapat ikabubuti ng ating bansa. So, idalangin natin na magtagumpay ang kanyang administrasyon at ang lahat ng kanyang sinabi ay magkaroon ng bunga at magkaroon ng resulta,” pagtatapos ni Pastor Apollo.

Follow SMNI NEWS on Twitter