Marcos admin, magsasagawa ng Digital Media Literacy drive vs fake news

Marcos admin, magsasagawa ng Digital Media Literacy drive vs fake news

MAGPAPATUPAD ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng kampanyang Digital Media Literacy ngayong taon.

Ito ay upang bigyan ang mga pinakamahihirap na komunidad ng kaalaman at kasangkapan para makilala ang katotohanan.

Inihayag ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Cherbett Karen Maralit sa ginanap na event na CyberSafe Against Fake News: Being Smart, Being Safe and Staying Ahead! Ensuring Women and Girls a Safe Online Experience.

Ito ay isang side event sa 67th Session ng United Nations Commission on the Status of Women (CSW67) sa UN headquarters sa New York.

Sinabi ni Maralit na inatasan ng Philippine Congress ang PCO na tugunan ang lumalaking concern sa maling impormasyon at disinformation, lalo na sa digital landscape.

Binanggit din ng opisyal ng PCO na patuloy na sinisira ng disinformation at maling impormasyon ang mga karapatan ng kababaihan at mga batang babae na siyang pinakamahalagang tugunan sa panahong ito.

Ang PCO ay magsisilbing haligi na nagtataguyod ng mga karapatan at kapakanan ng mga kababaihan at mga batang babae sa pamamagitan ng isang Digital Media Literacy Campaign na tututok sa ‘most vulnerable communities.’

Sa pamamagitan ng context-based at factual grassroots approach, nilalayon ng PCO na abutin at bigyan ng kasangkapan ang mga komunidad na ito ng kaalaman at kakayahan kontra fake news.

Inihayag ni Maralit na ang two-fold path ay kinabibilangan ng aktibong pakikipagtulungan ng PCO sa pribadong sektor, kabilang ang mga stakeholder ng industriya ng broadcast, upang magtatag ng mga epektibong mekanismo laban sa pekeng balita.

Gagabayan din ng PCO ang publiko para magkaroon sila ng kakayahang umunawa at tumukoy ng mali, hindi kumpleto o hindi tumpak na impormasyon.

Sa buwan na ito, ani Maralit, magsasagawa sila ng masusing pag-aaral sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na layong tukuyin ang target communities kung saan pinaka-kailangan ang media literacy.

Gayundin ang pagtukoy sa mga nilalaman at paksa kung saan nakatuon ang maling impormasyon at disinformation na ito.

Inaasahan din ng pag-aaral na matukoy ang mga profile ng mga fake news peddler.

Sa pagtatapos ng taong ito, sinabi ni Maralit, isasara ng PCO ang kampanya sa pamamagitan ng Media Literacy Summit, kung saan iimbitahan ang mga tagapagsalita mula sa mga organisasyon tulad ng Facebook, Google, at Philippine Commission on Women, at iba pa.

Ibinahagi rin ni Maralit na ang mga piraso ng batas sa media literacy ay ipinakilala na rin sa parehong Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas.

Ang mga hakbang ay naglalayong ma-institutionalize ang pagsisikap ng Kagawaran ng Edukasyon na isama ang Media and Information Literacy (MIL) bilang isang pangunahing asignatura sa kasalukuyang kurikulum ng basic at secondary education.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter