HINIHIKAYAT ng scientific working group ng Asia Dengue Voice and Action ang administrasyong Marcos Jr. na bilisan ang pag-apruba sa dengue vaccine application ng isang Japanese pharmaceutical company.
Ang tinutukoy ng grupo ay ang aplikasyon ng kompanyang Takeda na dalawang taon nang naka-pending sa Pilipinas.
Ayon sa grupo, may lisensiya na ang bakuna ng Takeda sa mahigit 40 bansa kabilang ang Indonesia, Malaysia, Vietnam, at Thailand.
Aprubado na rin ito ng World Health Organization (WHO).
Sa pag-aaral, mas ligtas umano ang bakuna ng Takeda kumpara sa Dengvaxia na gawa ng isang kompanyang French.
Hinimok ng grupo ang gobyerno na kumilos agad upang maprotektahan ang publiko sa patuloy na banta ng dengue.