MULING nagkaisa ang iba’t ibang transport organization para tutulan ang plano ng Marcos Jr. administration na magdagdag ng bagong motorcycle taxi player partikular sa Metro Manila.
Sa ilalim ng pilot program para sa motorcycle taxi, tatlong kompanya ang pinayagan ng pamahalaan para mag-operate.
Ito ay ang Angkas, Joyride, at Move it—habang na-disqualify naman ang kompanyang Grab.
Ayon sa grupo ng mga nagta-tricycle, sila ang pinakatatamaan dahil mawawalan sila ng pasahero kung dadami pa lalo ang MC Taxis.
Hindi rin makatarungan para sa grupo dahil parehas naman umano ng nagbabayad ng buwis ang mga tricycle at MC Taxi—at tanggap nila na hindi sila makakakuha ng pasahero sa major highway kumpara sa mga naka-motor.
“Pero sana kwentahin din nila kung ilang tricycle drivers, jeepney drivers, taxi driver, at saka iba pang taxi drivers at UV Express drivers ang naapektuhan ng dahil sa motorcycle taxi na ito,” ayon kay Reynaldo Bautista, Tricycle Group.
Inirereklamo naman ng taxi group ang matumal na kita dahil sa dami ng kumpetensiya.
Eh, paano na lang anila kung papayagan pa ang dagdag na MC Taxi player?
“Kanina po simula ng biyahe alas 9:30 ng umaga hanggang 3 o’clock—ang pera ko ay Php600 lang. Pinangkain ko isangdaan, pinanggasolina ko 500. Wala nang natira sa akin. So wala pang boundary, wala pang natira sa pera. Dahil po sa mga MC Taxi na ‘yan,” wika ni Gerry Donesa, Taxi Group.
Nasa 51,000 na ang MC Taxi Slots ngayon sa Metro Manila.
Pero ayon sa transport group, lagpas na sa 51,000 ang bilang.
Nasa 8,000 motorcycle taxi units ang bagong inaprubahan ng LTFRB.
“Sorry Chairman, kaibigan kita—Guadiz. Ang usapan gusto mong mag-expand? Mag-probinsya ka hindi Metro Manila—ba’t sa Metro Manila kayo nagdagdag? Ang usapan expansion outside Metro Manila and ‘yung dagdag pag-aaral, extension ng pag-aaral dahil nga kulang ng datos. (sa loob ng anim na taon, hindi ninyo natapos?) 5 years, wala pang resulta ng pag—aral? May report, may rekomendasyon,” saad ni Ariel Lim, National President | NACTODAP.
Iminumungkahi naman ng LTFRB sa Kongreso na tapusin na sa Mayo ang pilot study para sa motorcycle taxis.
Sa huli, umaasa naman ang transport group na matapos na ang gulangan sektor.
Lalo na’t malinaw na mali ang pagbili ng Grab sa Move It kahit na nasa pilot program pa lamang ang MC Taxi sa bansa.
Grab at Move it deal, tinawag na ilegal ng transport groups
“Binenta ang Move it kay Grab! Tama? Kay Grab. Hinarang namin dahil mali yon. Di ba? Paano mo ibebenta pilot pa lang? Naglabas sila ng sinabi nila mismo hindi pwedeng gamitin (sa meron ho kaming record tignan ‘nyo sa media) may record nagpa-presscon sila. Hindi pwedeng gamitin ni Move it si Grab. Ibig sabihin, ‘yung kaniyang application ‘yung kaniyang training ground—sa kanila nanggaling ‘yun. Meron, nagsalita si ED roon, executive director nila. Pero bakit hanggang ngayon tumatakbo at ginagamit nila Grab? Nakita niyo sa may Cubao? Lahat ng nakadikit doon powered by Grab,” ayon pa kay Lim.