HINDI na kailangang mag-alala ang mga konsyumer tungkol sa suplay para sa mga produkto ng manok.
Inihayag ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa panayam ng media sa Davao del Sur nitong Huwebes, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo sa panahon ng Kapaskuhan.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na hindi rin kailangang ipag-alala ng mga mamimili ang pagkakaiba sa mga presyo kung mas maraming industriyalisadong pasilidad ng agrikultura ang itatayo sa buong bansa.
Mababatid na kadalasang tumataas ang presyo ng mga bilihin tuwing Kapaskuhan at peak season dahil sa pagtaas ng demand.
Umaasa naman si Pangulong Marcos na ang tuluy-tuloy na supply ng mga bilihin, partikular na ang mga sariwang itlog at karne ng manok, ay maiiwasan ang labis na pagbabago-bago ng presyo.
Saad ng Punong Ehekutibo, ang mga makabagong pasilidad ng agrikultura tulad ng Magnolia Poultry Farm sa Davao del Sur ay magsisiguro ng tuluy-tuloy na supply ng mga produktong pagkain kahit na sa holiday at iba pang peak season.
Nitong Huwebes, pinangunahan ni Pangulong Marcos ang inagurasyon ng world-class controlled-climate Magnolia Poultry Farm ng San Miguel Corporation (SMC) sa Hagonoy, Davao del Sur.
Ang poultry farm na ito ay inaasahang magsasama ng 28 world-class na climate-controlled farmhouse para magarantiya ang ‘best possible conditions’ para sa paglaki at produksiyon ng manok.