Papel ni dating First Lady Imelda Marcos sa ‘End Polio Project’, inalala nina PBBM at Incoming Rotary Int’l President

Papel ni dating First Lady Imelda Marcos sa ‘End Polio Project’, inalala nina PBBM at Incoming Rotary Int’l President

MALUGOD na tinanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. si President-elect Stephanie Urchick ng Rotary International (RI) sa isang courtesy call sa Palasyo ng Malacañang nitong Oktubre 10, 2023.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), nagpasalamat ang Pangulo sa Rotary International sa pagiging mahalagang kasosyo ng Pilipinas sa mahabang panahon.

Ito ang unang Rotary Club sa Asya na itinatag sa Maynila noong 1919.

Pinasalamatan din ni Pangulong Marcos ang Rotary para sa tulong nito sa iba’t ibang sektor gaya ng kalusugan at edukasyon.

Ibinahagi pa ng PCO na nagkaroon din ng nakaaantig na talakayan ang Pangulo kasama ang Incoming Rotary International President, kung saan kanilang inaalala ang papel ng ina ni Pangulong Marcos na si dating First Lady Imelda Marcos sa ’79 End Polio Project.

Mababatid na binigyang-pugay ng organisasyon ang dating First Lady sa kaniyang mga kontribusyon upang labanan ang polio sa bansa.

Ang RI President-elect Urchick ay miyembro ng Rotary Club of McMurray sa Pennsylvania sa Estados Unidos.

Siya ay magsisilbing Pangulo ng naturang grupo para sa 2024-2025.

Bilang miyembro ng Rotary mula noong 1991, lumahok si Urchick sa iba’t ibang mga proyektong pang-internasyonal na serbisyo, kabilang ang India at Nigeria, bukod sa iba pa.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter