NAKAENGKUWENTRO ng tropa ng 93rd Infantry Battalion ng Philippine Army ang mga miyembro ng komunistang teroristang grupong Squad 2, Island Committee LEVOX ng Eastern Visayas Regional Party Committee.
Ang nabanggit na engkuwentro ay nangyari sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Cogon, Carigara, Leyte noong araw ng Miyerkules, Hunyo 18, 2025, na nagresulta sa pagkasawi ng tatlong miyembro ng grupo.
Isa sa mga nasawing rebelde ay kinilalang si Juanito Sellesa Jr., alias Tibor, isang executive member ng Island Committee (IC) LEVOX, habang ang dalawa naman ay kinilalang sina Eugene Paclita, alias Dimple, squad leader ng Squad 2, at Lito Delante, alias Dodong, miyembro din ng parehong yunit ng NPA.
Maliban sa mga nasawing terorista, narekober din ng mga sundalo mula sa kanilang posisyon ang iba’t ibang gamit na pandigma, mga pampasabog, at mga subersibong dokumento.
Matatandaang sina alias Tibor at ang kaniyang grupo ay matagal nang pinaghahanap kaugnay ng kasong pagpatay sa biktimang si Jesus Sarcilla, alias Sosing, na naganap sa Brgy. Binibihan, Carigara, Leyte noong taong 2021.
Si Sarcilla ay walang awang pinaslang sa harap mismo ng kaniyang anak sa kabila ng kabutihang loob na ipinakita niya sa naturang rebeldeng grupo sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkain at masisilungan.
Bukod sa kasong kriminal na isinampa sa Regional Trial Court, sinampahan din ng kasong paglabag sa International Humanitarian Law ang grupo ni alias Tibor sa Branch 48 ng Regional Prosecution Office 8 ng Commission on Human Rights Regional Office 8.
Sa isang pahayag, pinuri ni BGen. Noel Vestuir, commander ng 802nd Infantry Brigade, ang matagumpay na military operation ng mga tropa ng 93rd Infantry Battalion na nagresulta sa pagkakapatay sa mataas na lider ng nasabing teroristang grupo at dalawa pang kasamahan nito.
“Ang pagkaka-neutralized sa tatlong ito lalong-lalo na kay alias Tibor ay nagsilbing hustisya para sa pamilya ni Jesus Sarcilla na walang awang pinatay sa harap ng kanyang anak. Hindi man niya hinarap ang batas sa kanyang krimen, hinarap naman niya ang bangis ng mga sundalo na naghatid sa kanya sa kanyang huling hantungan,” ayon kay BGen. Noel Vestuir, Commander, 802nd Infantry Brigade, PA.
Itinuturing naman ni MGen. Adonis Orio, commander ng 8th Infantry Division, na bunga ng masinsinang civil military operations ang kanilang naging tagumpay. Kasabay nito, kinondena rin ng opisyal ang patuloy na pagrerekrut ng mga rebeldeng grupo sa Eastern Visayas.
“Even up to this day, the Communist Terrorist Group is still pursuing recruitment activities to corrupt the youth, farmers, and the common people. What they are doing is an outright violation of humanity and justice as they prey on the vulnerable, manipulate the people, and compromise the government’s effort in bringing peace and development in the region,” wika ni MGen. Adonis Orio, Commander, 8th Infantry Battalion, PA.
Hinikayat din nito ang mamamayan na manatiling matatag sa kanilang suporta sa pamahalaan, kasabay ang panawagan na itakwil ang anumang presensiya ng insurhensiya sa kanilang lugar.
“There is nothing revolutionary in turning your future into tools of violence. To the insurgents, there is no honor in deceiving the people with your false ideals and promises while you selfishly use them as pawns in your senseless armed struggle. As the Commander of the 8th Infantry Division, I strongly condemn these atrocities, and I will not allow these insurgents to steal the opportunity of building a progressive Eastern Visayas,” dagdag ni Orio.