Matinding internal cleansing at lifestyle check, panlaban sa mga law enforcer na sangkot sa kalakaran ng iligal na droga – anti-drug group

Matinding internal cleansing at lifestyle check, panlaban sa mga law enforcer na sangkot sa kalakaran ng iligal na droga – anti-drug group

IMINUNGKAHI ang masusing internal cleansing at lifestyle check bilang panlaban sa mga law enforcer na sangkot sa illegal drug operation.

Ito ayon sa dating police official kasunod ng rebelasyon na may mga tipster ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na humihingi ng parte ng iligal na droga na nasasabat bilang reward sa kanilang pagtulong.

Nabunyag sa pagdinig kamakailan sa Kamara ang posibleng panibagong modus kaya hindi nasasawata nang husto ang kalakaran sa iligal na droga sa bansa.

Mismong si House Committee on Dangerous Drugs Chairman Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers ay nagulat sa rebelasyon ni PDEA chief Virgilio Lazo.

“Sa aming committee hearing sa Committee on Dangerous Drugs ay nakakagulat yung revelation o bagong pinahayag ng bagong director general sa PDEA na si Director General Lazo merong bagong modus operandi ngayon yung mga ika nga mga escalawags na mga PDEA agents at escalawags sa Philippine National Police na kung saan ang kanilang modus ay nagbibigay sila ng reward sa pamamagitan ng pagbibigay ng droga pabalik sa mga assets na nagbibigay ng information …. nakakagulat yun” ani cong. Robert Ace Barbers, Chairperson, House Committee on Dangerous Drugs.

Sa kanyang pagdalo sa pagdinig, isinalaysay ni PDEA Director General Lazo ang sistema kung saan humihingi ang asset ng 30% ng mula sa nasasabat na iligal na droga kapalit ng kanilang pagtulong.

Mariin naman itong tinutulan ng opisyal.

Ang sistema sir is I don’t have to spent anything, they will do all the work but they will asking 30% of the actual seizures as their payment so I told them as far as my administration is concerned, we are only to give them the monetary value through our reward system,” saad ni Gen. Virgilio Lazo, chief, PDEA.

Sa kasalukuyan ay may sinusunod na monetary reward policy ang PDEA sa mga asset na nakakatulong sa kanilang illegal drug operation.

Ito ay alinsunod na rin sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa eksklusibong panayam sa kilalang anti-drug advocate at founder ng People’s Volunteer Against Illegal Drugs (PVAID) na si retired Col. Rodrigo Bonifacio, isa aniya itong kalabisan sa pagamit ng kapangyarihan at otoridad partikular na sa mga ahensiyang dapat na manguna sa kampanya kontra iligal na droga.

“Well dapat ang internal cleansing dapat tuluy-tuloy, hindi lang yan dapat sa PNP. Yung illegal drugs ay sa paningin nila ay ginto eh nagiging source ng corruption yan kaya nga yung iba talagang nagpupumilit sumiksik jan sa drug supply reduction dahil nanjan po ang tukso ng corruption,” wika ni retired Col. Rodrigo Bonifacio, founder, People’s Volunteer Against Illegal Drugs.

 “So dapat intensify natin yung cleansing process, wala po yang pinipiling panahon yan. Kapag ang isang kawani ng PDEA, PNP o ng NBI ay na-involve sa illegal drugs dapat mag-conduct ng summary hearing procedure,” ani pa Bonifacio.

Giit pa ng dating opisyal na salamin ng isang maayos na organisasyon o ahensiya sa bansa kung may maayos na sistema sa recuitment at kakayahan ng mga nais pumasok dito.

“Yeah bukod sa pagtataas ng qualification standard, siguro suriin natin sa kanilang background check kung ano yung pinagmulan ng tao, ano yung lugar na kanyang kinamulatan, essential yun eh lalong-lalo na kung siya ay talagang may pinagdaanan kung ito’y galing sa gawaing hindi maganda hindi yan dapat ipinapasok sa ahensya dahil kung titignan mo mahina yung pagkatao at madaling matukso when it comes to corruption at yung training program dapat tuluy-tuloy,” dagdag ni Bonifacio.

Pabor din si Bonifacio, na tutukan hindi lang ng Philippine National Police (PNP) kundi maging ng PDEA ang internal cleansing at lifestyle check sa mga opisyal at tauhan nito para mahabol ang sinumang sangkot sa isyu ng bentaha, paggamit, distribusyon at pagrecycle ng iligal na droga.

Follow SMNI NEWS in Twitter