Mechanics sa pamamahagi ng ayuda sa NCR Plus, idinetalye ng DSWD

TUNGKULIN ng local government units (LGUs) na nabibilang sa NCR Plus ang mamahagi ng ayuda ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

(BASAHIN: Pamamahagi ng ayuda sa NCR Plus, sisimulan na)

Nangangahulugan ito na hindi na dadaan sa DSWD ang pondo at didiretso na ito sa LGU.

Magiging Technical assistance na lamang ang gagampanan ng DSWD katuwang ang Department of Interior and Local Government o DILG.

Matatandaan na ang DSWD ang humawak sa pamamahagi ng nakaraang SAP cash aid.

Kinakailangan na nakapaloob ang mode at means of distribution sa isang Executive Order na ipalalabas ng Local Chief Executive bago isagawa ang distribusyon.

Ang prayoridad na mabigyan ng tulong pinansyal ng mga lokal na pamahalaan ay ang mga sumusunod:

  1. Mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) sa ilalim ng Bayanihan 1 at mga karagdagang benepisyaryo ng emergency subsidy ng Bayanihan 2
  2. Mga SAP waitlisted beneficiaries;
  3. Mga nasa vulnerable sector tulad ng mga taong may mabababang kita na namumuhay mag-isa, mga persons with disabilities (PWD), mga solo parents, at iba pa;
  4. At iba pang mga indibidwal na matutukoy ng mga LGU na lubos na naapektuhan ng ECQ kung mamarapatin ng kanilang pondo.

Bilang bahagi ng Technical Assistance sa mga LGUs ng NCR+, ibinahagi ng DSWD ang listahan ng mga benepisyaryo ng SAP, kabilang ang mga 4Ps beneficiaries.

Ito’y upang magsilbing reference ng mga LGU sa pagtukoy ng mga makatatanggap ng financial assistance.

Kung kaya’t nasa pagpapasya pa rin ng LGUs kung sinu-sino ang bibigyang-prayoridad para sa ayuda.

Batay sa inilabas na Local Budget Circular ng DBM, Php 1,000.00 kada indibidwal at hindi hihigit sa PhP 4,000.00 ang maaaring matanggap ng isang pamilya.

Kung higit sa 4 na miyembro ang pamilya, hindi pa rin lalagpas sa Php 4,000.00 ang kanilang matatanggap.

Bago ang pamamahagi ng financial assistance, ang mga LGU ay dapat mag-post ng listahan ng mga naaprubahang benepisyaryo sa kanilang opisyal na website at social media accounts.

Kinakailangan ding ipaskil ito sa mga lugar sa barangay na madali itong makikita at mababasa.

(BASAHIN: LGU officials, kakasuhan kapag may pinaboran sa pagbibigay ng ayuda, bakuna)

SMNI NEWS