NAGBALIK-loob sa pamahalaan nitong Linggo sa South Cotabato ang isang miyembro ng communist terror group (CTG) mula sa kilusan ng Communist Party of the Philippines–New People’s Army-National-Democratic-Front (CPP-NPA-NDF).
Matapos ang ilang taong paninilbihan bilang isang medic, mas nanaig pa rin kay ‘alyas Jean’ ang magbalik-loob sa pamahalaan at makapiling ang mga mahal niya sa buhay.
Si ‘alyas Jean’ ay isang medic ng isang platoon ng NPA na responsable sa ilang recruitment at mga pagbabanta sa seguridad sa ilang komunidad sa South Cotabato.
Ani ‘alyas Jean’ nagpasya siyang magbalik-loob sa pamahalaan dahil wala na itong nakikita pang pag-asa sa teroristang grupong kinabibilangan.
Nakaramdam din ito ng takot at pangamba na masukol ng puwersa ng pamahalaan dahil sa walang sawang military operations laban sa mga komunistang teroristang kagaya niya.
Dahil dito, napagdesisyunan niyang iharap ang kaniyang sarili sa army na nakabase sa Sitio Datal Kadi, Tasiman, Lake Sebu, South Cotabato, nitong Linggo, Mayo 21, 2023.
“Bitbit ang kaniyang gamit pandigma na isang M16A1 rifle, lakas loob siyang tumugon sa panawagan ng army at ng lokal na pamahalaan ng Lake Sebu at South Cotabato na magbagong buhay at iwan na ang masalimuot na sitwasyon sa bundok na patago-tago dahil sa takot at pangamba na masukol ng pwersa ng gobyerno,” ayon kay Lt.Col. Carlyleo Nagac, Commander, 5th Special Forces Battalion.
Dagdag pa ng opisyal, nauna nang nagpasalamat si alyas Jean sa magandang trato ng kasundaluhan sa kaniya at dito niya naunawaan ang nais ng pamahalaan na matapos na ang digmaan at itaguyod ang kapayapaan.
Sa kabuuan, umabot na sa 20 ang bilang ng mga komunistang sumuko sa pamahalaan mula Enero 2023 sa ilalim ng 6th Infantry Division (6ID) at Joint Task Force Central.
Sa kaugnay na balita, hinimok naman ni Major General Alex Rillera, commander ng 6th Infantry (KAMPILAN) Division at Joint Task Force Central ang nalalabi pang mga kasapi ng teroristang grupo na sundin ang yapak na ginawa ni ‘alyas Jean’.
Aniya, hindi nagkamali ng desisyon si ‘alyas Jean’ na magbalik na sa poder ng gobyerno para sa pagbabagong buhay at mailayo ang sarili nito sa kapahamakan.
“Malugod naming tinatanggap ang napakagandang desisyon na ito ni ‘alyas Jean’ sa kaniyang buhay, upang bigyan ng pagkakataon na manaig ang kapayapaan at mabago din ang takbo ng kaniyang buhay, na malayo sa kapahamakan,” ayon kay Major General Alex Rillera, Commander, 6th Infantry (KAMPILAN) Division.