DAPAT pag-usapang mabuti ng Philippine National Police, Department of the Interior and Local Government (DILG) at Office of The Presidential Adviser on The Peace Process ang tungkol sa mekanismo ng Ad Hoc Committee on Joint Action Group.
Ito ang inihayag ni Basilan Lone District Representative Mujiv Hataman sa panayam ng SMNI News.
“Kailangang pag-usapang maigi ng DILG, PNP at OPAPP, kung ano ba talaga ang pang-unawa natin sa Ad Hoc Committee on Joint Action Group (ADCJAG), tingin ko napakahalaga noon,” ayon kay Basilan Lone District Representative Mujiv Hataman.
Aniya, napakahalaga nito upang hindi magkaroon ng miscommunication sa mga operasyon ng awtoridad ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Saad pa ni Cong. Hataman, ang ADCJAG ay ginawa ng gobyerno ng bansa kasama ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa kasagsagan ng negosasyon.
Hindi kailangan aniyang magpaalam ang awtoridad sa MILF sa anumang operasyon ngunit dapat mag-usap sa ADCJAG.
“Tama rin naman talaga si Chief PNP na ‘di na nating kailangan magpaalam kung hindi dapat lang mapag-usapan sa ADCJAG kasi nandoon ‘yung gobyerno, nandoon ‘yung panel ng MILF. In fact, ang alam ko, ang mga naka-upo niyan ay from Armed Forces of the Philippines, from PNP, pati ang representative ng MILF,” dagdag ni Cong. Hataman.
Ipinanukala rin ni Cong. Hataman na dapat i-review ng gobyerno ang ADCJAG dahil sa mga isyu na dapat mabigyan ng linaw.
Ito ay upang matiyak na hindi mahadlangan ang isang operasyon ng awtoridad.
“Kailangan ma-review kasi merong ganoon na issues, dapat -i-raise pa rin nila doon sa ADCJAG mismo dahil sila-sila rin dapat ang mag-uusap doon,” ani Hataman.
Binigyang-diin din ni Hataman na kailangan talagang makipag-usap ng PNP sa MILF sa ilalim ng ADCJAG upang maiwasan ang mga insidente tulad noong nangyaring pagpaslang ng hinihinalang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa mga police officer ng Ampatuan.
Aniya, dapat linawin ng PNP sa MILF kung bakit may mga miyembro ng BIFF sa area ng MILF.