HINDI lang ang mga nasawi na kapulisan kundi maging sa mga buhay rin dapat bigyan sila ng pagpupugay alang-alang sa kanilang mga nagawang kabayanihan para sa bayan ayon sa Philippine National Police (PNP) kasabay ng pagdiriwang ng bansa sa National Heroes Day ngayong araw.
Mula sa mensahe ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin, Jr. binigyang-diin nito ang kanilang pangako na pangunahan ang naglalakihang problema ng pamahalaan ngayon laban sa korupsiyon, peace and order at insurhensiya.
Kasabay ng pagdiriwang ng National Heroes Day ngayong araw, tiniyak ng PNP na wala silang sasayanging panahon sa pagtatanggol sa mamamayan laban sa mga masasamang loob, mga criminal at mga sindikato.
Kaugnay dito, nakikiusap ang PNP sa publiko na huwag kalimutang igalang at bigyan ng karampatang pagkilala ang mga sakripisyo ng kanilang hanay, hindi lang sa mga makasaysayang paglilingkod at kabayanihan ng mga pulis noong unang panahon kundi maging sa kasalukuyang mga hamon at ginagampanang tungkulin nito ngayon.
Sa huli, tiniyak ng PNP na susundin nila ang proseso ng pagpapatupad ng batas na naaayon sa karapatan ng mamamayan.
Bilang pagbibigay-pugay sa hanay ng pulisya, nag-alay ng bulaklak at taimtim na dasal ang PNP para sa mga pumanaw at walang alinlangang nagbuwis ng buhay habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa ngalan ng kapayapaan sa bansa.