Metro Manila LGUs, tatalima sa temporary restraining order ng Supreme Court sa NCAP

Metro Manila LGUs, tatalima sa temporary restraining order ng Supreme Court sa NCAP

TIGIL muna ang pagpapatupad ng no-contact apprehension policy (NCAP) sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila.

Ito ay matapos naglabas ng temporary restraining order ang Supreme Court sa nasabing polisiya.

Handa namang tumalima ang mga lokal na pamahalaan ng rehiyon.

Iginiit naman ng Quezon City Government na sa pamamagitan ng NCAP, nabawasan ng 93% ang traffic violations sa ilang bahagi ng lungsod.

Ayon pa sa LGU, nagkaroon ng disiplina ang mga motorista dahil sa NCAP at naniniwala ito na ang pagpapatupad ng nasabing polisiya ay ligal at maayos.

“The Quezon City NCAP program has significantly reduced the traffic violations in the affected areas by 93%. It has shown that it instills a culture of traffic discipline among motorists and we believe that its implementation is legal and proper,” pahayag ng Quezon City government.

Gayunpaman, nirerespeto ng Quezon City Government ang TRO na inisyu ng Supreme Court at tatalima sila rito.

“That being said, the Quezon City Government fully respects, and will abide by, the Temporary Restraining Order (TRO) issued by the Honorable Supreme Court regarding the implementation of the No Contact Apprehension Program (NCAP),” ayon sa pamahalaan.

Ang Manila City Government iginiit din na sa pamamagitan ng NCAP bumaba ng mahigit sa kalahati ang traffic violations at aksidente sa daan sa Maynila.

Nawala rin ayon sa lokal na pamahalaan ang kotongan sa mga NCAP areas at bumilis ang daloy ng trapiko.

Naniniwala ang Manila City Government na tama at wasto ang pagpapatupad nila sa NCAP na nagdulot ng mabilis, episyente, at maginhawang serbisyo sa mga taga-Maynila.

“Naniniwala ang liderato ng Pamahalaan ng Lungsod ng Maynila na ang tama’t wastong pag-gamit ng makabagong teknolohiya ang siyang daan upang makapagdulot ng mabilis, episyente, at maginhawang serbisyo sa lahat ng mamamayan,” ayon kay Atty. Princess Abante, Communications Head ng Manila City Government.

Gayunpaman susundin ng Manila LGU anh TRO oras na matanggap ito mula sa Supreme Court.

“Gayung naihain ang petisyon laban sa NCAP sa Korte Suprema at inutos ang pansamantalang pagtigil sa implementasyon ng NCAP, susundin po ng Lungsod ng Maynila ang Temporary Restraining Order sa oras na natanggap po ito,” ani Abante.

Ang Parañaque City Government naglabas na ng abiso na hindi na ipatutupad ang NCAP sa lungsod.

Sa Valenzuela City, suspendido na ang NCAP simula kahapon pero paalala ng LGU na magiging aktibo pa rin ang city traffic enforcers upang matiyak ang na nasusunod ang traffic regulations sa lungsod.

Ayon naman kay San Juan City Mayor Francis Zamora nirerespeto nila ang desisyon ng Supreme Court ukol sa NCAP at susundin nila ito.

“The Supreme Court has spoken regarding the No Contact Apprehension Program (NCAP). Although San Juan has not yet implemented NCAP, we respect their decision and will abide by it,” pahayag ni Zamora.

Naglabas na rin ng abiso ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi na nila ipatutupad ang NCAP dahil saklaw ang ahensiya sa inilabas ng TRO.

“The Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) will no longer implement the No Contact Apprehension Policy (NCAP) in light of the statement of Supreme Court spokesperson Brian Keith Hosaka that the agency is covered by the SC’s temporary restraining order on the implementation of NCAP,” ayon sa ahensiya.

Matatandaang, naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang ilang transport group at hiniling sa mga mahistrado na maglabas ng temporary restraining order laban sa NCAP.

Ayon sa mga grupo, unconstitutional ang pagpapatupad nito.

Follow SMNI News on Twitter