PATULOY na binabantayan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang posibleng epekto ng bagyong Gardo at Super Typhoon Hinnamnor na nasa labas pa ng Philippine area of responsibility (PAR).
Sinabi ni Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro, deputy administrator for operations ng Office of Civil Defense (OCD) na bagama’t hindi inaasahang tatama sa kalupaan ang dalawang bagyo, posible namang maramdaman ang epekto nito sa Batanes at extreme portion ng Northern Luzon.
Kasabay nito, posibleng ilagay ng NDRRMC sa blue o red ang kanilang alerto.
Ayon kay Alejandro, pinaiimbentaryo na nila ang stockpile sa mga warehouse ng OCD sa bawat rehiyon.
Ito ay upang matiyak ang sapat na suplay ng food at non-food items na ipamamahagi sa mga maapektuhan ng bagyo.
Samantala, pinaalalahanan ang publiko na mag-antabay sa mahahalagang anunsyo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno lalo na ang PAGASA.