Metro Manila Mayors, nagkasundo sa flexible MECQ at pagpapaikli ng curfew hours

NAGKASUNDO ang Metro Manila Mayors na magpatupad ng “flexible Modified Enhanced Community Quarantine” matapos ang April 30.

Ito ang inihayag ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos upang bigyan ng “breathing spell” ang mga negosyo.

Ayon kay Abalos, sa ilalim ng “flexible MECQ” ay papayagan ang operasyon ng mas maraming negosyo tulad ng construction at personal hygiene services.

Pero mananatili pa rin aniya ang border control at mahigpit na health protocols.

Dagdag pa ng MMDA chairman, nagkasundo din ang mga alkalde na iklian ang curfew hours simula sa Mayo.

Ito’y mula sa dating alas 8 ng gabi hanggang alas 5 ng umaga, gagawin na itong mula alas 10 ng gabi hanggang alas 4 ng umaga.

Sinabi rin ni Abalos na ipapadala ang rekomendasyong ito ng local chief executives sa Inter-Agency Task Force (IATF) na siyang magsusumite naman ng final recommendation kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

SMNI NEWS