UMAMIN na ang mga kapwa akusado ni dating Bureau of Corrections (BuCor) chief General Gerald Bantag sa kanilang pagkakasangkot sa pagkamatay ng Bilibid inmate na si Jun Villamor.
Sa pitong pahinang order na inilabas ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 206, papatawan ng anim na taon at isang araw na pagkakakulong ang mga umaming akusado.
Ang mga ito ay sina Mario Alvarez, Christian Ramac, Ricky Salgado, Ronnie dela Cruz at Joel Reyes.
Dalawang taon, apat na buwan at isang araw naman ang ipapataw kina Alvin Labra, Aldrin Galicia at Joseph Georfo na nakakulong na dahil sa ibang offense.
Maliban pa dito, sina Alvarez, Ramac, Salgado, Dela Cruz at Reyes ay magbabayad ng P225-K sa pamilya ni Villamor.
Sina Labra, Galicia at Georfo naman ay magbabayad ng P150-K sa pamilya ni Villamor.
Ang inmate na si Villamor ang naatasan na i-contact si Joel Escorial na siyang gunman sa pagkamatay ni Percy Lapid noong nakaraang taon.
Nang mag-surrender si Escorial ay ikinanta niya si Villamor.
Dahil dito, si Villamor naman ay pinatay ng mga umaming inmates sa pamamagitan ng paglalagay ng plastic bag sa ulo nito upang hindi makahinga.